May sariling diskarte si MSgt. Aurelio Pine, na naka-assign sa Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) ng PRO1, na sa kanyang tingin ay ikayayaman niya.
Ang modus operandi ni Pine ay tatakutin ang mga maykaya na kunyari ay nasa drug list ang pangalan nila at presto... maglalagay ka para matanggal ito. Kaya lang, ang kasamaan talaga ay may hangganan dahil si Pine ay nasakote ng mga operatiba ni Brig. Gen. Ronald Lee, ng Integrity Monitoring and Enforcement Group ng PNP, sa isang entrapment operation na ikinasa sa Pa-ngasinan.
Nasa kamay pa ni Pine ang P100,000 “boodle” money na ini-extort niya sa negosyanteng si Ricky Sanchez. Ang pangarap ni Pine na kumita ay nalusaw na bigla, kasama na ang kinabukasan ng pamilya niya. Hindi lang ‘yan! Mababawasan pa ang pitsa n’ya dahil P120,000 ang piyansang inilaan sa kanya sa kasong extortion at P200,000 naman ang para sa illegal possession of firearms. Dipugaaaa! Baliktad ang nangyari ah!
Sinabi ni Lee na kinontak ni Pine si Sanchez, na may-ari ng Rain-Plan Hardware & Construction Supply na matatagpuan sa Bgy. Pugaro, Balungao at sinabihan na nasa lista-han siya ng PRO1 bilang miyembro ng gun-for-hire at drug syndicate na nakasalang para i-neutralize. Mabubura ang pangalan ni Sanchez kapag maglagay siya ng P100,000. Siyempre, abot-langit ang nerbiyos ni Sanchez.
Mabuti na lang at nahimasmasan si Sanchez at nag-report ito sa IMEG-Luzon para masapol si Pine. Nahuli si Pine sa loob mismo ng hardware ng biktima noong Sabado habang hawak-hawak ang pitsa. Nakumpiska rin sa kanya ang Glock 17, at kalibre .45 na walang lisensiya. Dipugaaaa!
Ayon kay Lee sariling lakad lang ito ni Pine. Subalit iniutos ni Brig. Gen. Rodolfo Azurin Jr., PRO1 director na paimbestigahan ang hepe nito sa RDEU kung may go signal niya si Pine sa raket nito. Nanawagan din si Azurin sa mga naging biktima ni Pine na lumutang at magsampa ng kaso para mabulok ito sa kulungan. Imbes na buwenasin, aba sangkaterbang kamalasan itong inabot ni Pine. Abangan!