Himas-rehas ngayon ang kontrobersiyal na lider ng Kapa Community Ministry. Malabong makalabas pa ito dahil walang piyansa ang kanyang kasong syndicated estafa.
Kaya ang mga galit na galit na investors kuno, lumusob at nilooban ang headquarters ng Kapa.
Walang pinatawad ang mga ito, mula sa mga computer hanggang sa inodoro, tinangay.
Anong puno’t dulo? Panloloko nitong tinawag na Pastor, si Joel Apolinario sa mga miyembro.
Pangongolekta ng donasyon daw sa kanilang mga member/investor na may pangakong trenta porsyentong tubo.
Pinagbawalan at binalaan na ang Kapa ng Securities and Exchange Commission na itigil ang kanilang aktibidades.
Pero mga sangkaterbang dorobo na tumuloy pa rin sa panggagantso.
Isa ako sa mga pinagbalingan ng Kapa at ng mga miyembro nito — mapa-vlogger, blogger, OFW at kung sinu-sino pang kumag, kenkoy at kolokoy.
Hinambalos at kinuyog ako sa kanilang mga social media platforms maging sa YouTube.
Fake news daw ang mga pinagsasabi ko hinggil sa aktibidades ng Kapa na mula naman sa SEC mismo ang pahayag.
Nagprotesta ang mga kolokoy na mag-sorry daw ako dahil sa aking mga pinagsasabi.
Inimbitahan ko si Apolinario last year na lumipad ng Maynila kasama ang kanyang mga representante at magpa-interview sa BITAG Live.
Hindi naman tinanggap ang aking imbitasyon bagkus, binanatan ako sa kanilang mga social media, YouTube at istasyon ng mga bayarang media na ipinagtatanggol ang Kapa. Naging trending pa ako ilang beses dahil sa Kapa.
Eto ngayon, sandamakmak ang nagmemensahe, tumatawag at lumalapit sa BITAG. Mga miyembro raw sila ng Kapa. Nagsusumbong via online kung paano makukuha ang kanilang mga pera.
Kung dati, ako, si Ben Tulfo ay sinusuka nila, bumubula ang mga bibig at kung anu-anong pinagsasabi ng kanilang mga bayarang media at mga nasasaktang members, ngayon, bumaliktad na!
Humihingi raw sila ng hustisya, tetestigo raw sila laban sa kanilang lider.
Eh asan na ‘yung mga bayarang media lalo sa Mindanao at ilan dito sa Maynila na dati’y tagapagtanggol at supporter ng Kapa?
Nabilaukan na ‘ata ng kanilang mga bombolyas na nag-akyatan sa kanilang lalamunan at ayaw nang bumaba. Takot madamay at kulatain ng mga galit na galit na miyembro na mga biktima na ngayon?
Bilog ang mundo.