EDITORYAL - Dahil sa quarantine luminis ang hangin

MAY mabuting ibinunga ang enhanced community quarantine sa Metro Manila. Bumuti ang kalidad ng hangin at nabawasan ang air pollution. Sa loob lamang ng 1 linggong lockdown, nag-decrease ng 180% ang “PM2.5” na taglay ng hangin ayon sa Institute of Environmental Science and Meteorology of the University of Philippines-Diliman.

Ipinatupad ang community quarantine sa Metro Manila noong Marso 16. Ipinagbawal ang pagbiyahe nang lahat ng pampasaherong sasakyan --- mapa-lupa, dagat at himpapawid. Walang pasok sa school, trabaho at walang makakalabas at makakapasok sa Metro Manila maliban sa mga health workers, ambulansiya, magdedeliber ng pagkain at iba pang pangangailangan.

Ang pagkabawas sa taglay na lason ng hangin sa Metro Manila ay magandang senyales na makala-langhap na nang sariwang hangin ang mamamayan. Bagama’t patuloy ang pananalasa ng COVID-19, maraming nagdadasal na mawawala rin ito dahil sa pinatutupad na quarantine at social distancing. Halos lahat nang tao ay nasa bahay para ganap na maglaho ang virus.

Sa ginawang pagpapatigil sa biyahe ng mga dyip­ni, bus at kahit mga pribadong sasakyan, napa­tunayan na ang mga ito ang dahilan ng air pollution sa Metro Manila. Ito ang silent killer na maihahalintulad din sa COVID-19.

Ayon sa report, 120,000 Pilipino bawat taon ang namamatay dahil sa pagkalanghap ng hangin na may lason. Number 3 ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia na marami ang namamatay sa air pollution. Nangungu­na ang China at ikalawa ang Mongolia. Walumpong porsiyento na pinanggagalingan ng air pollution ay mula sa mga bulok na jeepney.

Ayon sa Department of Health (DOH), ang maru-ming hangin ay nagdudulot ng noncommunicable diseases (NCDs). Kabilang sa mga sakit na nakukuha dahil sa pagkalanghap ng hangin na may lason ay allergies, acute respiratory infections, chronic obs­tructive pulmonary diseases, cancer at cardiovascular diseases. Bukod sa usok ng mga sasakyan, nalalanghap din ang usok ng mga sinunog na basura, goma, plastic at iba pang harmful wastes na delikado sa kalusugan.

Sa pagbuti ng kalidad ng hangin, bakit hindi ipa­tupad ng DOTr sa tulong ng DENR na sa loob ng 1 taon, magkaroon ng 1 linggong walang biyahe ang mga sasakyan para masolusyunan ang air pollution. Subukan ito.

Show comments