Pagharapin n’yo ang nag-aakusa at inaakusahan!
Karapatan ng isang inaakusahan na makuhanan ng pahayag upang mapakinggan ang kanyang panig at komprontahin ang nag-aakusa sa kanya. Ang tawag dito, due process.
Ang pagbibigay ng panahon na sagutin at magpahayag ang inaakusahan hinggil sa isyung kaniyang kinasangkutan ay saysay ng demokrasya. Tandaan na hindi lahat ng alegasyon ay basehan at batayan para mabuo ang isang impresyon.
Etong kasalukuyang imbestigasyon hinggil sa modus ng “pastillas”, malaki ang papel na ginagampanan ng Senado. Trabaho kasi nilang mag-imbestiga “in aid of legislation” sa anumang katiwalian para pagtibayin ang sistema kung may kahinaan.
Subalit sa laki ng kapangyarihang taglay ng Senado, meron din itong nakakalungkot na katotohanan. Ang senado kalimitan ay nagagamit din - in aid of publication, by way of destruction.
‘Yung iba kasi, ang motibo ng pag-iimbestiga ay pulitika lamang, sangkaterbang A-S-S (angkas, sakay, sawsaw). Marami riyan, grand standing din ang estilo.
Imbes maging maingat sa pag-iimbestiga sa mga inimbitahang resource person o tumatayong testigo eh kinakastigo harap-harapan at ‘di binibigyan ng pagkakataong magpaliwanang. Inimbita lang para bastusin, laitin!
Noong isang araw sa hearing ng Senado, may isang umepal. Ang nakakatawa, nandawit ng pangalan pero ‘yung tunay na testigo ayaw kumpirmahin ‘yung pangalang idinadawit.
Dito dapat nagiging mas maingat ang Senado, beripikahin ang mga impormasyon katulad ng mga pangalang isinasangkot sa isyu. Imbestigahan kung may katotohanan o kasinungalingan lang na basta nandawit lang ng pangalan.
Habang ang mga testigo o whistleblower naman, tukuyin nilang maigi, banggitin at ituro ‘yung mga umano’y suspek.
Manggaling mismo sa kanyang bibig, ituro mismo ng kanyang daliri ang tinutukoy na sangkot.
Iba ‘yung tinutukoy at itinuturo at iba ‘yung dinadawit lang.
Kung nasangkot man, ipatawag at hingiin ang kanyang panig sa isyu para patas ang laban. Pagharapin ‘yung nag-aakusa at inaakusahan para harapang magkumprontahan.
Ang tanong, paghaharapin kaya nila ang nag-aakusa at ang inaakusahan? Abangan natin!
- Latest