PIPA, nganga kay Gen. Gamboa!

Nagkamali ng lapit si retired M/Sgt. Brigido Capio nang tangkain niyang suhulan ang mga tauhan ni Brig. Gen. Ronald Lee, hepe ng Integrated Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ng Philippine National Police (PNP) para mapabuksan ang kanyang video karera sa Quezon City. Inaresto kaagad ni Lt. Col. Dominick Poblete, hepe ng IMEG Luzon Field Office si Capio matapos iabot ang suhol na P10,000. Ang IMEG kasi mga kosa ay nasa kasagsagan ng panghuhuli ng video karera at iba pang sugal sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa at sa katunayan marami ang na-relieve na opisyal ng pulisya na nagpabaya sa kampanya vs pasugalan. Hayun, kinasuhan si Capio ng tangkang panunuhol at humimas ng rehas na bakal. Kaya kayo nga kosa, ‘wag tularan si Capio ha dahil hindi kayo sasantunin ni General Lee. T’yak ‘yon!

Dumulog naman si alyas Mely at iba pang opisyales ng Perya Industry of the Philippines Association (PIPA) kay PNP chief Gen. Archie Gamboa at sinumbong ang mga matitikas na kolektor sa hanay ng PNP. Ang PIPA na ang pinamumunan ni Evelyn Mendoza ay nagsumbong din kay President Digong at maging kay Usec. Martin Diño, ng DILG para igiit na legal ang color games at drop ball sa puwesto nila. Kung sabagay, itong si Boy Life, na asawa ni Mendoza, na nasa likod ng malawakang peryahan sa Calabarzon area ay may hawak na resolution ng prosecutor’s office na hindi sila dapat hulihin dahil legal ang negosyo nila. Ang siste lang, imbes na makakuha ng simpatiya sa PNP chief, aba naglabas ng kautusan si Gamboa na ipasara ang lahat ng peryahan, sakla-patay at VK operations sa buong bansa. Araguuyyy! Hak hak hak! Kaya hayun, nganga itong PIPA at nandamay pa.

Sa ginawa ng PIPA, napilitang lumubog si Romy Tolentino, na kinamumuhian ng mga peryante dahil sa sobrang nerbiyos nila kapag tinatakot sila ng una. Maraming kinakausap si Tolentino na tong collector para saluhin pansamantala ang mga hawak niya subalit walang takers. Abangan!

Show comments