Ipagbawal ni Digong ang paputok
Nabasa ko po ang inyong editorial ukol sa paputok. Ako po ay sumasang-ayon sa inyong panawagan na total ban sa paputok. Noon pa man, ayaw ko talaga ng paputok dahil bukod sa nakakadisgrasya – may napuputulan ng daliri at kamay --- masama rin ang usok ng paputok sa mga may asthma na katulad ko.
Isa pang dahilan kaya ayaw ko sa paputok ay dahil nai-stress ang mga alagang hayop gaya ng aso at pusa at maging ang mga baboy. Nakakaawa ang kanilang kalagayan kapag nagpuputukan sa paligid. Hindi nila malaman kung saan susuling o magtatago.
Tama ang inyong sinabi na balewala ang inisyu ni President Digong na Executive Order No. 28 na nagbabawal sa mga malalakas na paputok. Paano’y marami pa rin ang gumagawa at nagbebenta. Mas lalo pa silang naging masigasig sa pagbebenta. Mayroon pa raw nagbebenta on-line. Lahat ay gagawin ng mga negosyante para maibenta ang kanilang produkto. Anong bawal-bawal yan? At mas malalakas pa nga ang ibinebenta nila gaya ng Judas Belt, Sawa at Super Lolo.
Ang dapat gawin ay ipag-utos ni Digong na total ban na ang paputok. Lahat nang klase ng paputok ay wala na. ‘Di ba ginawa na niya ito sa Davao City at epektibo dahil walang nasusugatan doon kapag sumasapit ang Bagong Taon. Ipagbawal nang tuluyan ang paputok. Kapag wala na ito marami ang makakahinga nang maluwag. Wala nang makakasira sa pandinig at wala mai-stress na mga hayop.
---AGUSTIN DEOGRACIAS, Parian, Calamba, Laguna
- Latest