MAHALAGANG paalala ito sa Niños Inocentes bukas: ang mga musmos ay mas apektado ng maruming hangin. Kaya alagaan sila.
Nobyembre 1 nagdeklara sa Delhi, India, ng “public health emergency”. Milyong face masks ang ipinamahagi sa mga paaralan. Isinara ang mga ito nang isang linggo. Dahil sa tindi ng polusyon, anang chief minister, parang gas chamber na umano ang state. Napapa-limit ang mga gan’ung pahayag. Sa Thailand at Malaysia, Mexico at America nitong mga nakalipas na taon, nagsara rin ang mga lungsod dahil sa smog. Nu’ng Setyembre, hindi nakapasok ang mag-aaral sa Cebu at Palawan, pati sa Singapore, dahil sa kapal ng usok ng mga sinusunog na gubat sa Sarawak, Indonesia. Naaalala ko ang paiyak na kuwento ng anak ng Pilipino exec sa Shanghai nu’ng nagkulay kalawang ang paligid sa polusyon: “Ang maruming tubig puwedeng hindi mo inumin, ang maruming hangin ay hindi mo maiwasang singhutin pa rin.”
Sa mundo 90% ng mga bata, edad 15-pababa, ay nasisira ang kalusugan dahil sa nalalanghap, anang World Health Organization. Mas malapit sila sa sakit kasi bumubuo pa lang ang mga baga. At dahil mas malimit silang huminga, mas maraming nalalanghap na particulates batay sa body weight. Nabatid sa pananaliksik sa Britain na, sa mga araw na may pasok, 30% mas maraming dumi na nalalanghap ang mga bata kaysa mga matatandang taga-hatid-sundo, dahil mas mababa sila kaya mas malapit sa mga tambutso. Asthma ang isa sa pinaka-malimit na sakit nila, kasi kalimitan ang mga paaralan ay nasa tabi ng kalye, anang The Economist.
Namemeligro rin ang utak ng mga bata. Apektado ang pagtuto at katinuan. Nalinang sa saliksik nu’ng 2014 na pinapupurol ng polusyon ang Israeli pupils sa exams. Saliksik din sa maruming Cincinnati, Ohio, na maraming psychiatric cases ng mga bata na nais magpakamatay. Nabatid ng Sustrans, NGO na naglalayon ng bawas-gamit ng kotse, na nagkaka-anxiety attacks ang mga bata dahil sa takot sa polusyon.