Ngayon lang nangyari sa kasaysayan ng Maynila sa tinagal-tagal na panahon na nagkaroon ng malaking bulto ng sona at hulihan sa tinatawag na ‘ Recto University!’
Sabi nga, 50 pekadores ang nasungkit sa ginawang sona matapos balaan ni Yorme Isko ang mga kamote na itigil na ang mga illegal activities nila sa paggawa ng mga pekeng documents pero hindi nakinig ang mga bright forger sa ‘warning’ kaya ayon pinagdadampot sila.
Bakit?
Matatapang ayaw makinig at hindi makuha sa isang salita!
Sa gigil ni Yorme Isko sa nangyayaring talamak na illegal operations ng mga kamote sa lugar na pagawaan ng mga pekeng credentials at dokumento r’yan sa Recto katulad ng mga pekeng driver’s license, ID, transcript of records, resibo at pati ang mga titulo ng lupa echetera, echetera tiyak maghihimas sila ng rehas kapag nagkataon.
Ika nga, falsification of public ang private documents!
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, lahat ng klaseng puedeng pekein ay kayang-kaya sa Recto University.
‘Ang hindi lang kayang pekein dito ay ang mga spare parts ng mga sasakyan, mga branded watches at bags.’ sabi ng kuwagong SPO-10 sa Crame.
Sangkaterba, ang nasungkit sa sona bukod sa 50 pekadores kinumpiska rin ang mga kagamitan nila tulad ng mimeo graphing machine, computer CPU, printers, metal dry seal at mga resibo.
Kailangan hagupitin na sila at kalusin para matigil na ang pananamantala at panloloko.
Ika nga, economic sabotage ito!
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, naipamana na ang pamemeke rito sa mga kaapu-apohan ng mga pekadores marami na ang nagsiyaman sa ganitong klase ng ilegal na trabaho.
Siguro dapat lang kasuhan ni Yorme ang mga pekadores at isama na rin siguro ang mga barangay na diumano’y nagbubulag-bulagan at pumatong sa mga illegal tran-saksyon dito?
Ano sa palagay ninyo?
Kambiyo issue, nag-iiyakan like a cow ang mga mahilig magpagawa ng mga dokumento sa Recto University.
Bakit?
Dahil ipinasara na ang Recto University sa paggawa ng mga ilegal, malaking problema ito sa mahilig magpa-peke ng dokumento dahil hindi na sila makakakuha ng diploma todits kaya malabo na silang maka-graduate. Hehehe!
Tama ba? Abangan.