HANGGANG ngayon, patuloy ang korapsiyon sa Bureau of Customs (BOC). Bigo pa rin si President Duterte na malipol ang mga korap kahit na itinalaga niya ang isang retiradong heneral doon. Malaki ang ini-expect ng Presidente na kung dating sundalo ang mamumuno sa ahensiya, malulutas ang korapsiyon. Nagkamali siya sapagkat patuloy ang korapsiyon sa Customs at tila walang magawa si Commissioner Rey Leonardo Guerrero. Si Guerrero ang ipinalit kay dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon na nalusutan ng P6-bilyong halaga ng shabu noong 2017. Si Faeldon, gaya ni Guerrero ay dati ring sundalo.
Ngayon ay hindi naman shabu ang nakalusot sa Customs kundi mga frozen meat. Noong Miyerkules, may kabuuang 1,054 na kahon ng mga assorted na karne ang kinumpiska ng mga taga-National Meat Inspection Service-Department of Agriculture sa Navotas City. Nakatanggap ng tip ang NMIS-DA na mayroong idedeliber na karne sa isang subdibisyon doon. Tama ang tip sapagkat nang buksan ang container van, nakita ang maraming kahon na ang laman ay assorted meat na galing China. May karneng baboy, Peking duck at baka. Ayon sa mga awtoridad, illegal ang pagkakatay sa mga ito.
Kamakalawa, nakasabat na naman ang mga awtoridad ng mga karne sa Tondo, Maynila. Wala ring mga dokumento ang mga nasabat na karne na nanggaling din sa China at nagkakahalaga ng milyong piso. Paano nakalusot sa Customs ang mga karneng ito? Tamang-tama ang pagkakapuslit sapagkat panahon ng Kapaskuhan.
Corruption ang dahilan. Maraming korap sa Customs kaya hindi na nakapagtataka kung makalusot ang mga karne. Kung ang shabu ay nakakalusot, mas lalo naman ang karne o maski ang iba pang produkto gaya ng bigas, sibuyas, asukal at maski mga paputok.
Walang pagbabago sa Customs. Kahit marami nang naging commissioner at ang iba ay nangakong dudurugin ang corruption, wala ring nangyari. Kailan kaya makakatagpo si President Duterte ng matapat at malinis na Customs Commissioner. Isang katanungan na mahirap ihanap ng kasagutan.