Anong sey n’yo Bureau of Immigration?

HINDI limitado ang serbisyo publikong ginagawa ng BITAG sa mga Pilipino lamang. Maging mga dayuhang dumara­ting sa aming tanggapan, patas ang tulong na ipinagka­kaloob namin.

Isang pamilya ng Indian national na mula pa sa Boracay ang dumating sa BITAG nitong nakaraang araw. Ang kanilang ama, 3 buwan nang nakakulong sa Camp Bagong Diwa sa Taguig. Napag-initan daw ang kanilang ama na isang chef ng amo nitong Indian national din. Isinup­long daw ang kanilang tatay sa Bureau of Immigration (BI) kaya’t hinuli ito sa kasong overstaying.

Aminado ang pamilya na napabayaan ng kanilang ama ang pagre-renew ng visa nito para makapaglagi sa Pinas. Thirty one years nang kasal sa Pinay at pabalik-balik ito sa Pinas, nagdesisyong manatili na sa bansa para makasama ang pamilya. Ganunpaman, wala ni isang krimen na kinasangkutan ang kanilang padre de pamilya. Hindi ito undesirable alien na katulad ng ibang dayuhang pakalat-kalat sa Pinas na pasimuno ng mga iligal at labag sa batas na gawain.

Nag-file umano ang Pilipinang misis at kanyang mga anak sa BI ng Petition to Bail matapos itong mahuli. Suba­lit higit 90 days na ay naka-hold pa rin daw ang status ng petisyon ng pamilya. Isang nagngangalang “Jude” mula raw sa BI ang umano’y nananakot pa sa pamilya na sila ay kakasuhan ng over staying at ipade-deport din.

Etong hunghang na Jude na ito, hindi ko maintindihan kung tuwad ang kukote o taktika lang ang pananakot. Filipino citizen ang misis at mga anak, ipade-deport mo? Tell me more about it!  Humanitarian consideration ang hinihinging tulong ng mag-anak. Kahit pansamantalang kalayaan lamang ng kanilang ama kaya lumapit na sila sa BITAG.

Ayon kay Ms. Dana Sandoval, Spokesperson ng Bureau of Immigration, kahit paso na ang visa at nauna sanang sumuko ang dayuhan ay hindi sana ito hahantong sa detention, kalaunan ay deportation.

Noong Lunes, nasa BI ang aking mga field investigators. Lumabas na ang resulta ng petisyon ng mag-anak at ito ay denied. Subalit ayon kay Sandoval, maaari pang umapelang muli ang pamilya sa tulong ng Public Attorney’s Office (PAO). Agad namang tumugon ng tulong ang PAO-Manila. Nakatakda ngayong linggong ito na magsumite ng motion for reconsideration to petition bail ang pamilya sa pagrerepresenta ng mga abogado ng PAO-Manila.

Sa ngalan ng serbisyo publiko, tatayo ang BITAG para sa pamilyang ito. Di hamak na mas karapat-dapat na bigyan ng pagkakataong manatili sa bansa ang dayuhang ito na ang hangad ay makapiling ang pamilyang Pilipino. Kung ‘yung ibang dayuhan nga diyan, malayang nakakapagnegosyo ng iligal dito at walang habas na lumalabag sa batas. Lalo na ‘yung mga abusado’t manloloko ng empleyadong Pilipino, dapat ‘yan ang sinisipa palabas ng Pinas!

Show comments