Nabasa ko ang inyong editorial ukol sa rice tarrification law na mula nang ipatupad ng pamahalaan noong Marso ay nagbigay na ng kalbaryo sa mga magsasaka.
Anak ako ng magsasaka at kahit na ang propesyon ko ngayon ay walang kinalaman sa farming, lubos akong nahahabag sa mga magsasakang naapektuhan ng liberalisasyon sa pag-aangkat ng bigas. Alam ko kasi ang hirap at sakripisyo ng magsasaka bago makapag-ani. Simula sa pagbubungkal ng lupa, pagpupunla, pagbunot nito, pagtatanim, paggamas, pag-iisprey para sa damo at insekto.
Bago mamulaklak ang palay ay kinakabahan ang magsasaka sapagkat maaaring bagyuhin ang kanyang pinaghirapang itanim. Kapag binagyo at binaha sa panahong namumulaklak ang palay, wala na siyang mapapakinabangan. Lahat nang ginastos ay napunta sa wala. Ang masakit, inutang lamang ang ginastos doon.
Dahil sa tarrification, naging malaya ang lahat sa pag-import ng bigas. Dumagsa ang maraming bigas mula sa ibang bansa. Ang resulta, wala nang bibili sa aning palay ng mga magsasaka. Kung may bibili man, napakamura. Dahil sa pagdagsa ng imported, ang ani ng mga magsasaka ay wala nang bumili. Mas mura kasi ang bigas na imported.
Hiling ko sana sa Presidente, itigil ang rice importation at bilhin ang palay ng mga magsasaka sa maayos na halaga. Lahat nang aning palay ay bilhin at kapag nabili na, saka lamang ipagpatuloy ang pag-import ng bigas.
Maawa sa mga magsasaka. Tulungan silang makabangon sa dinaranas na kalbaryo dulot ng tarrification law. ---ED SAAMAT, J. P. Rizal Avenue, Makati City