Isang lahi
KAPAG panahon ng trahedya, maraming Pilipinong nabibiktima na hindi matulungan ang sarili. Hindi mapigilang magpumiglas ang saloobin ng ilan na makatulong pagaanin ang kalbaryo ng kababayan. Lahat tayo ay may kakilalang kamag-anak o kaibigan na ang tanging nais ay ang makapagbigay ng alalay kahit walang kapalit na pagkilala o pasalamat man lang. Sapat na sa kanila ang kaalamang may mga pobreng nabawasan ang hirap na pinagdaraanan.
Oo at may napapanood tayo sa TV at Internet na tila nagpapakamatay magbigay ng donasyon. Kung hindi man salapi, mismong oras at panahon ang alay para lamang magpakatotoo sa hangaring makatulong. Sino ang hindi hahanga sa kusang loob na pakikiisa ng mga sikat na personalidad na ito na lalo pang sumisikat sa media?
Subalit sa bawat isang milyonaryong pulitiko o artista o singer na handang tumulong, nariyan din ang libu-libong Pilipino na nagbibigay din ng kontribusyon kesyo sa pamamagitan ng salapi o panahon, dunong o pagbuno o dasal. Hindi mabilang ang mga hindi nagpapakilala na basta lamang nagbibigay ng bahagi ng kanilang sarili sa ngalan ng pakikipagkapatid.
Pagdating sa mga trahedya, lagi na lamang tayong nasa top 10 sa mundo dahil sa kinalalagyan ng Pilipinas na mismong nasa daanan ng mga bagyo. Kasama rin tayo sa tinatawag na ring of fire na siyang unang mga bansang apektado sakaling magkalindol. Ilang beses na rin natin tiniis ang ganitong kamalasan?
Subalit gaano kadalas man natin harapin itong uri ng kapalaran, makakaasa tayo sa kapwa nating Pilipino na hindi mag-aatubili. Dadating at dadating ang tulong. Hindi tayo papabayaan ng ating mga kababayan. Gaya ng sabi ng Mayor Isko, hiwalay man ang pananaw natin sa Diyos o sa gobyerno, iisa ang lahi natin. Pilipino tayo.
- Latest