KAHIT na hindi magsagawa ng survey o pag-aaral sa nangyayaring trapik sa Metro Manila, makikita na agad ang nakapanlulumong trapik na araw-araw na nararanasan ng mamamayan. Halos sa trapik na lamang nauubos ang kanilang oras. Mas maraming oras na nasasayang sa paglalakbay kaysa sa kanilang trabaho o sa pamilya. Ang iba, aalis nang madilim pa at darating din na madilim dahil sa grabeng trapik.
Ayon sa traffic navigation software and application Waze, ang 1 kilometro ay inaabot ng halos 5 minutong pagta-travel at ito ay pinaka-worst na sa buong mundo. Tanging dito lamang sa Metro Manila nararanasan ang ganito katinding trapik.
Ayon sa Waze, sa Bogota, Colombia, ang 1 kilometro ay tina-travel ng 4 na minuto; sa Jakarta, Indonesia, 3.83 minuto ang nilalakbay sa parehong distansiya. Sa Sau Paolo, Brazil ay mabilis-bilis sapagkat ang 1 kilometro ay tinatakbo ng 2.43 minuto samantalang sa Tel Aviv, Israel ay 2.38 minuto.
Numero uno ang Metro Manila kung ang pag-uusapan ay ang pinaka-worst sa traffic. At aminado rito ang Metro Manila Development Authority (MMDA). Talaga raw napaka-congested na ng mga kalsada sa Metro Manila particular na ang EDSA na usad pagong ang trapik. Ngayong papalapit na ang Pasko, inaasahan na lalo pang titindi ang trapik. Maaaring wala na talagang galawan ang mga sasakyan at abutin na sila ng madaling araw sa kalye.
Maraming naiisip na paraan para malutas ang trapik lalo sa EDSA. May panukala na maglagay ng tunnel o kaya’y elevated expressway. Subalit gagastos nang malaki at maaaring magtrapik din habang ginagawa. May nagpayo na ibawal ang mga pribadong sasakyan sa EDSA sa rush hour pero marami ang umaalma. Ipinanukalang ibawal ang provincial buses pero tinutulan naman ng korte.
Masyadong marami na ang sasakyan sa MM subalit wala namang nadadagdag na kalsada. Dahilan din ng trapik ang mga walang disiplinang motorista. Nakapagdudulot din ng trapik ang mga paghuhukay. Nakikita ang kabagalan ng construction ng skyway.
Worst ang trapik sa MM at marami nang may alam nito. Pabilisin na lang ang paggawa ng mga alternatibong daan at i-improve ang rail system gaya ng LRT at MRT. Kapag nagawa ito, mawawala na ang worst traffic.