GRABE na ang nararanasang trapik sa Metro Manila at maaari pang lumubha ngayong papalapit na ang kapaskuhan. Kaya maraming naiisip na paraan kung paano masosolb ang trapik. Isa sa pinagtutuunan ngayon ng pansin ay ang Pasig River ferry system. Maganda umanong alternatibo ang ferry at malaki ang maitutulong sa panahon ngayon na pinuproblema nang mamamayan kung paano makararating sa kanilang trabaho o eskuwelahan dahil sa trapik. Ayon sa pag-aaral, bilyong piso ang nasasayang bawat araw dahil sa trapik. Sa EDSA, gumugugol ng dalawa hanggang tatlong oras ang mga motorista dahil sa trapik.
Sabi ni Sen. Sonny Angara, malaki ang maitutulong ng ferry sa ngayon lalo’t hindi pa operational ang Skyway, LRT 2 at ang Philippine National Railways. Sa kasalukuyan, nasa construction stage pa ang Skyway na magli-link sa NLEX at Slex. Nagkaproblema naman ang Light Rail Transit 2 at nasa rehabilitation stage naman ang PNR. Ayon kay Angara, dapat itong tuunan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Maganda ang proposal na pasiglahin ang operasyon ng Pasig Ferry. Sa kasalukuyan, may 14 na stations ang Pasig Ferry pero 11 lamang ang operational. Napagsisilbihan nito ang commuters mula Maynila, Mandaluyong, Makati at Pasig.
Tama si Angara na malaki ang maitutulong ng Pasig Ferry sa problema sa trapiko. Pero paano mahihikayat ang mga tao na sumakay sa ferry kung ang nakakasulasok na amoy ng ilog ay hindi kakayanin. Sa totoo lang, masarap sanang magbiyahe sa ferry pero ang hindi matatagalan ay ang makabaliktad-sikmurang amoy ng tubig. Isa pang problemang kinakaharap ng mga pasahero ay ang mga ginagawa ng mga nakatira sa pampang ng Pasig River na hinahagisan ng dumi ng tao ang dumaraang ferry.
Mas maganda kung pagtutuunan muna sanang linisin ang ilog para maging kaaya-aya at mahikayat ang mga tao na sumakay dito. Protektahan din sila sa mga salaulang nakatira sa pampang.
Noong nakaraang buwan, inatasan ni President Duterte si DENR Sec. Roy Cimatu na linisin ang Pasig River. Sana maisakatuparan ito para maging matagumpay ang pagyaot ng ferry at makatulong sa traffic problem sa MM.