TINANGGAP ni Presidential Spokesman Salvador Panelo ang hamon na mag-commute upang ipakita na kahit mataas siyang tao sa lipunan ay kaya pa rin niyang sumakay sa mga pampublikong sasakyan.
Ayon kay Panelo, 25 minuto siyang naghintay ng dyipni sa Balete St., New Manila at dakong 5:15 ng umaga ay nakasakay siya ng dyipni patungong Concepcion, Marikina.
Matapos iyon, sumakay uli siya ng dyipni na patungong Cubao, Quezon Ciy. Tinangka umano niyang sumakay ng LRT na patungong Legarda station subalit hindi natuloy dahil dinumog siya ng media para interbyuhin. Sumakay muli siya ng dyipni patungong Mendiola.
Tinanong umano siya ng mga militante habang nasa dyipni kung ano ang naramdaman sa paglalakbay.
Sagot niya wala naman nagbago sa kanyang mga naranasan noon dahil pampublikong sasakyan din naman ang kanilang ginagamit ng kanyang asawa sa pagpasok sa trabaho.
Ang pagkakaiba lamang umano ay napakarami ng mga sasakyan at maraming pasahero na nag-aabang ng masasakyan.
Alas otso umano siya nakarating sa Mendiola.
Ang pinakahuli niyang sinakyan ay ang motorsiklo ni Ronald Rosales na naghatid sa kanya sa Malacañang.
Eksaktong 8:46 a.m. siya dumating sa opisina. Nagpa-presscon siya ng 11:00 a.m. at inilahad ang karanasan.
Ang tanong, may aral kaya ang kanyang karanasan upang mapakilos ang mga opisyales ng pamahalaan na masolusyunan ang paghihirap ng commuters. Sabi niya sa media, walang krisis sa transportation. Ang krisis umano ay trapik. Kailangan umanong bawasan ang mga sasakyan kaya ang tatamaan dito ay mga luma.
Sa hapon naman kaya subukan ni Panelo na sumakay ng jeepney. Nasubukan niya na mag-commute sa umaga at kinaya niya dahil maluwag pa ang mga kalye. Sa hapon, tiyak makikipagbuno siya sa pagsakay. Tama naman ang sinabi na dapat na agahan ang pagpasok para hindi ma-late sa trabaho. Subalit ilang oras na lamang ang itinutulog ng mga trabahador dahil gabi na sila nakakarating sa kanilang mga tahanan.