Ano ang extradition, noon at ngayon?

MALIGALIG, mabagal ang proseso ng paglilipat ng mga wanted na kriminal sa pagitan ng mga bansa, anang The Economist. Inehemplo si Joaquin Guzman Loera, ang Mexi­canong drug lord na binansagang “El Chapo”(“Pandak”).

Libo ang namatay sa bansa niya nu’ng mahabang, madugong pamumuno niya ng Sinaloa gang. Nu’ng unang dalawang beses siyang nahuli, nakatakas siya sa preso. Kaya nu’ng huli, 2016, in-extradite siya sa U.S.Dalawang taon ang inabot bago siya nailipad sa New York.

Doon nilitis ang tinuring ng America na pinaka-gahamang narco-trafficker sa mundo. Ang sakdal ay pagpapatakbo ng sindikatong kriminal na may galamay hanggang U.S.

Sinaunang panahon pa, sa Bibliya, may mga kasunduan na ang mga pinuno na isuko ang mga wanted, bagama’t noon ay hindi mga kriminal kundi kalaban sa pulitika. Naka­ukit sa hieroglyphics (sinaunang drawings) ang Treaty of Peace nina Ramses II,Pharaoh ng Egypt, Hattusili III, hari ng mga Hittites, sa pinapalagay na kauna-unahang kasunduang diplomatiko para sa palitan ng wanted. Nu’ng Middle Ages minoderno ng mga diplomatikong Frances ang mga gan’ung kasunduan.

Nagkasundo nu’ng 1376 sina Charles V ng France at ang Count of Savoy na isuko ang masasamang-loob sa isang pakiusap”. Nu’ng siglo 1700s dumagsa ang parehong mga kasunduan sa mga bansa, sakop ang mga pinapatunayang guilty ng murder, rape o pambubugbog, bagama’t isinisingit pa rin ang mga katunggaling politiko.

Sa Jay Treaty ng 1794 nagpasya ang US at Britain na isuko sa isa’t isa ang mga sinakdal ng murder at forgery.

Kabaliktaran ang ginawa ni Pres. Cory Aquino kay Dik­tador Ferdinand Marcos nu’ng 1986-1989, matapos ilipad ng US ang huli mula Malacañang patungong Hawaii. Sinakdal si Marcos sa pag-torture ng mga katunggali at pandarambong ng yamang bayan. Pero hindi ito pina-extradite para litisin at ikulong sa Pilipinas. Sa halip, pinanatiling exile.

Show comments