Kaninong interes?

SA unang tingin, wala namang kahina-hinala sa pagpirma ng kontrata sa pagitan ng Dito Telecommunications (dating­ Mislatel) at Armed Forces of the Philippines (AFP). Kung sa litrato lang, may isyu ba kung mag-posing ang mga Pinoy na opisyal ng Dito at ang mga matataas na opisyal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Napagkasunduang magtatayo ang Dito ng kanilang facilities at installations sa loob ng military camps and reservations.

Kung ganito lang ka-simple, baka sakaling pinuna lang ang posibleng pagpabor ng pamahalaan kay Mr. Dennis Uy. Subalit walang anggulo dito dahil, ayon sa AFP, maging ang Smart at Globe ay napagbigyan na rin ng ganitong pribilehiyo.

Ang Smart at Globe ay mayroong foreign part owners. Sa Smart, na pag-aari ng PLDT, may malaking porsiyento ang Nippon Telecom, ang pinakamalaking Telecommunications Company sa Japan (ang kanilang PLDT). Ang Globe naman ay bahagyang pag-aari ng Singapore Telecom na higante ring kompanya.

Sa ganitong pamantayan, hindi naiiba ang Dito. Mayroon din siyang foreign part owner. Kaya nga lang, ito ay ang China Telecom na pag-aari mismo ng estado ng China. At sa namumuong tensiyong hatid ng pag-agaw ng ating ari-ariang isla sa West Philippine Sea, makasisiguro tayo na hindi interes ng Pilipino ang awtomatiko nilang isusulong sakaling mabigyan ng pagkakataon. Sa ilalim ng batas ng China, obligado ang kanilang mga kompanya na tumulong sa pagkalap ng impormasyon at makilahok, kung hilingin, sa pag-espiya para sa bansa.

Nabigla rin mismong si Secretary Delfin Lorenzana ng Department of National Defense. Malinaw na hindi isi­naalang-alang ang kanyang pananaw sa bagay na may malinaw na implikasyon sa seguridad ng bansa.

Sa gaganaping pagdinig sa Senado, aalamin ng mga senador kung ang ganitong kasunduan ay hahayaang ipa­tupad. Sa ilalim ng batas, dahil ito ay bagay na sensitibo sa seguridad, hindi maaring ipaarkila ang ating military lands and reservations nang walang permiso ng Kongreso.

Show comments