Si NAIA Customs Collector Talusan at ang smuggled smartphones

PINAGAARALAN ni NAIA Customs Collector Mimel Talusan na sirain na lamang ang mga nakumpiskang used branded smartphones kabilang ang mga aksesorya nito na may P15 million ang halaga kaysa ipagamit pa ito sa madlang people sa Philippines my Philippines.

Bakit?

Nangangamba si Mimel na baka may security problem ang 825 smuggled branded smartphones na ipupuslit sana sa Philippines my Philippines dahil baka depektibo ang mga batteries nito o mismo ang telepono.

Ika nga, baka sumabog?

Ang mga smuggled smartphones ay galing South Korea na ipinasok sa Philippines my Philippines ng isang Koreano na hindi pa binabanggit ang pangalan.

Ibinida ni Mimel, oras na naipuslit ang smartphones ay maibebenta daw ito ng P15,000 pataas kumporme sa modelo ng telepono.

Ayon kay Mimel, noon pang nakaraang buwan dumating ang kontrabando sa TMW warehouse at nag-aabang na lamang ang mga kamote dito para ipuslit palabas ang nasabing epek­tos pero hindi nila magawa dahil sa paghihigpit ng seguridad na ipinatutupad sa NAIA customs house.

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, nag-aantay lamang sila na i-file ang entry ng broker/importer saka nila ito bibirahin pero mga wise din ang mga kamote at pinatagal ito sa bodega.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ang akala nila ay patulog-tulog sina Mimel kaya ng subukan itong ipuslit ay inunahan na nila itong dinakma. 

Ika nga, sabit ang P15 million halaga ng smartphones. 

Sinabi ni Talusan, na ang mga sinamsam nilang mga smartphones ay kinabibilangan ng Samsung S10 plus, Samsung S9 plus, Samsung S10, Samsung Note 9, Note 10, LG, Samsung A5, Samsung A7, Iphone 8, Samsung earphones at airpods.

Ikinuento ni Mimel, dahil ang mga epektos ay used phones ayon sa pagkakadeklara kaya kailangang kumuha ang may-ari nito ng permiso mula sa National Telecommunications Commission para payagan silang makalabas sa bureau pero mukhang malabo dahil tiyak na hindi sila bibigyan porke naunang dumating ang epektos bago ang permiso.

Nagpapasalamat ang Samsung Philippines kay Mimel dahil sa pagkakahuli ng mga epektos na ito.

Sabi ni Mimel, magre-report agad siya kay Customs Commissioner Jagger Guerrero tungkol sa mga nakumpiskang cellphones kung ano ang dapat gawin.

Ano sa palagay ninyo? Sunugin o pasagasaan sa pison?

Abangan.

‘Flash flood’ sa old domestic airport vs domestic aircraft

NABAHALA ang madlang pasahero the other day nang bigla nilang makita na parang dagat ang ilang bahagi ng rampa sa NAIA Terminal 4 o ang tinaguriang old domestic airport hanggang sa hangar ng domestic dahil sa matinding pag-ulan at high tide dito.

Sabi nga, masama ang panahon!

Ikinuento ni MIAA general manager Ed Monreal, na ang mga domestic aircraft na dapat lumanding o lumipad ng dakong alas 8 ng umaga noong Sabado ay hindi naka-porma dahil ang mga paparating na eroplano ay agad inabisuhan ng control tower na i-divert sa Clark International Airport ang kanilang eroplano at mag-antay ng order kung kailan pupunta ng NAIA.

Sabi ni Monreal, sa awa ng Maykapal halos ilang minuto lamang ang itinagal ng tubig-baha dahil mabilis pa sa alas-kuatro ito humupa.

“Kaya naman balik normal operations ang lahat ng domestic flight sa NAIA T4,” birada ni Monreal.

Kambiyo issue, pinulong ni Monreal ang mga tauhan niya sa Engineering department para talakayin ang hindi birong problema ng baha sa paliparan at kung may mga paraan na hindi na ito maulit muli.

Ano sa palagay ninyo?

Abangan.

Show comments