KUNG mas gagaling na ang robots kaysa tao, sila na lang ba ang magtatrabaho? Paano ang mga espesyalisasyon tulad sa medisina, engineering at sining? Kung parang tao na mag-isip ang robots, magliligawan ba sila, mag-aasawahan at magkakaanak? Aalilain ba nila tayo?
Ilan lang ‘yan sa mga malimit itanong kay artificial intelligence expert Kai-Fu Lee. Bilang AI investor, may-akda ng librong “AI Superpowers”, at dating president ng Google China, nagle-lecture siya sa mga kompanya at kolehiyo tungkol sa AI na gagamitin ng robots.
Hindi mapipigilan ang AI. Dahil pabilis nang pabilis ang computers at palawak nang palawak ang data sto-rage, natural na mas marami na ang mapapagawa ng tao sa makina. Meron nang nagpe-precision tooling sa pabrika, nag-aanalisa ng krimen, nag-iisip ng isusunod na tugtog, kumikilala sa indibidwal miski nakabalatkayo, nagbabasa para sa bulag, nagtuturo bata, at nag-aalaga sa matanda. Pinadadali, pinagaganda, pinauulit-ulit ang kayang gawin ng tao.
Hinihikayat ni Lee na magkaisa ang America at China sa AI. Mas tatalas ang saliksik at aplikasyon ng AI. Ayon sa balita, abante ang Silicon Valley, California, sa AI technology, pero kakapusin din ito. Napapaandar mag-isa at napapaisip ang kotse, halimbawa, pero ang chips at piyesa para sa mass production ay murang magagawa sa China. Samantala, daan-milyong Chinese ay subsob sa pag-aaral at pagnegosyo sa AI. Sila ang bibili ng mga imbensiyon at talinong Amerikano para gamitin sa AI na pampaunlad sa ekonomiya ng China.
Sa huli, mas bubuti ang buhay sa mundo sa tulungan ng America at China sa AI. Hindi aalilain ng robots ang tao kundi pagagaangin ang buhay. Mas maaasikaso ng tao ang ugali, kalusugan, kalikasan. Maaalis ang mga mapang-aping kalagayan. Mapapayapa ang mga bansa.
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).