ANONG nangyari sa pangako ng China hinggil sa mga barkong pandigma sa karagatan ng bansa? Ito ang nais itanong ng Palasyo kay Amb. Zhao Jianhua sa mga ulat na lumayag sa loob ng karagatan ng bansa ang mga barkong pandigma ng China na wala man lang paalam nitong Agosto, kung nangako siya na ipapaalam ng Chinese navy noong Hulyo kung dadaan nga sila. Sa madaling salita, dumaan sila sa Sibutu Strait sa hilagang bahagi ng bansa nang walang paalam. Kung baga, “ni ha ni ho”, wala.
Nadiskubre rin ang dalawang barkong panuri sa loob ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ) kailan lang na wala ring paalam o pahintulot. Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, paglabag daw ito sa UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) dahil sa loob ng ating EEZ lumayag. Kung magkaibigan daw ang Pilipinas at China, bakit may ganyang mga kilos?
Mabuting tanong iyan. Tatalakayin daw ni Panelo kapag nagkita sila ni Zhao. Binanggit ng Palasyo na ito na ang panahon para ilabas ang isyu ng pagkapanalo ng bansa sa UN Permanent Court of Arbitration kay Chinese President Xi Jinping kapag magkita sila ni President Duterte sa China ngayong buwan. Hindi pa alam kung paano ilalabas ni Duterte ang isyu kay Xi Jinping na siguradong hindi tatanggapin.
Panahon na nga para igiit ang ating mga karapatan at soberenya sa mga karagatang talaga namang sa atin. May EEZ tayo na tanggap naman ng lahat batay sa UNCLOS. Ang hinihingi nga sa China ay respeto. Hindi naman ipinagbabawal ang lumayag sa loob ng karagatan natin, basta’t ipaalam sa kinauukulang ahensiya o sangay ng militar. Hindi maliit na bagay ang dumaan ang barkong pandigma sa loob ng karagatan ng isang bansa. Dapat ipaalam, walang tanung-tanong. Hindi rin dapat pinapatay ang automatic information system na nasa lahat ng barko. Hindi puwedeng sila lang ang mahigpit sa mga lumalayag na barko.