KONTROBERSIYAL at maraming kumokontra ngayon sa pahayag ni Pres. Rodrigo Duterte ukol sa pagtanggap ng regalo ng government officials, partikular na ang mga pulis. Ika niya, walang masama sa pagtanggap ng regalo.
Inulan ng batikos ang Presidente. Kesyo mamimihasa raw ang mga ito. Hindi na magtatrabaho nang walang kapalit. Maghihintay muna ng suhol bago tapusin nang maayos ang trabaho.
Oo, naka-saad sa RA 6713 or Code of Conduct and Ethical Standard for Public Officials and Employees na bawal tumanggap ng anumang regalo o pabor ang sinumang kawani ng gobyerno kung makakaapekto ito sa kanilang trabaho.
Pero paano masusukat ng batas ang pagpapakita ng kabutihan ng isang tao sa kanyang kapwa?
A random act of kindness is not part of the spirit of the law.
Hindi nangangahulugang bukas ka sa panunuhol kapag tumanggap ka ng regalo mula sa kaibigan o sa kung sinumang natuwa sa maayos mong pagganap sa iyong trabaho.
May mga pagkakataong ang isang tao ay literal na sumusunod sa bawat palabra ng batas, kahit na hindi naman ito ang mismong intensyon ng sumulat nito.
Kung ang batas ay nagbabawal sa pagtanggap ng anumang klase ng regalo ng mga public servants tulad ng mga pulis, kahit na hindi naman intensyon ang mag-suhulan, matatawag ba itong paglabag?
Ibig sabihin ba nito ay ipinagbabawal din ng batas ang pagkukusang-loob ng mga tao na magpamalas ng kabutihan sa kanilang kapwa, out of compassion?
Ibig din bang sabihin na kapag nagbigay ako ng regalo sa kaibigan kong may kaarawan na nagkataong lingkod ng gobyerno ay nilabag ko ang batas na ‘to?
Kahit na ang Civil Service Commission Chairperson na si Alicia Dela Rosa ay sang-ayon din na dapat nang amyendahan ang R.A. 6713 dahil totoo namang may mga gray area o kuwestiyon talaga sa batas.
I agree with what the President said. Hindi natin matatawag na panunuhol ang pagbibigay ng regalo lalung-lalo na kung wala naman itong hinihinging kapalit o pabor.
Maliwanag pa sa sikat ng araw, magkaiba ang suhol sa regalo. Ang suhol, nagbibigay ka ng isang bagay bilang kapalit ng iyong pabor. Ang regalo, simbolo ng pasasalamat, pagkilala at kabutihang loob.