SA pelikulang “Horse Whisperer” (1998) ni Robert Redford, na-traumatize ang teenager na si Grace sa aksidente sa pangangabayo. Nawalan siya ng kumpiyansa sa sarili at sa normal na buhay. Nabatid ng milyonaryang nanay niya na dapat pagalingin ang pilay ng kabayo at hikayatin si Grace na sumakay muli. Pinuntahan nila si Tom, tanyag na trainer sa liblib na rancho. Sa unti-unting pagpapagaling at muling pagpapahusay sa kabayo, binubulungan ito ni Tom ng mga utos. Muling nagkakumpiyansa si Grace, at pareho silang nagwagi sa kompetisyon.
Walang magic sa trabaho ng horse whisperers. Marami sila sa mundo. May mga nag-aral, may mga oido o naturalesa lang. Pare-parehong naiintindihan ang equine psychology, o ugali at gawi ng kabayo, mapababae o lalaki, bata o matanda, sa patag o bundok o tubig. Sa tiyaga, nati-train nila ang kabayo na magkalong ng tao, humila ng karomata, lumakad, tumakbo, pumreno sa utos, at huwag malito.
Ganundin ang dog whisperer. Pinaka-tanyag marahil si Cesar Millan mula sa US television series. Kabisado niya ang asal ng aso, at balewala sa kanya ang lahi o laki o bangis. Itinuturo niya sa televiewers kung paano nila mapapatigil ang alagang aso sa paninira ng halaman o kagamitan, pang-aaway, panghahabol sa kotse, panununggab sa amo. Karamihan ng ugali ng aso ay dahil sa tao; kung tama ang paraan ng pagpapakilos, maamong susunod ang alaga. Walang magic; purong agham lang. Tulad ng sa kabayo, merong nag-aral o natural ang alam.
Lalong nakamamangha ang mga nakakabulong sa ibon. May mga trainer ng kalapati, hawk, o falcon para ito maging pangarera, taga-deliver ng mensahe o pagkain, at pang-hunting. Kamakailan may teroristang nahuli na nagsasanay sa ibon na magdala ng munting bomba.
Kakaiba ang mga kuwento sa Asya tungkol sa mga eksperto sa isda. Nasasabi umano nila kung saan may dagsang lumalangoy, sa pamamagitan ng pakikinig sa tampay na dagat. Walang imposible sa tao.