Doble na ang dami

NAITALA ang mahigit 5,000 kaso ng dengue sa loob lamang ng isang linggo at 400 na ang namatay. Ayon sa DOH, 115,000 kaso ang naitala ngayong taon. Nagdeklara na ng National Dengue Alert ang DOH noong nakaraang linggo. Dumadami ang kaso ng dengue mula Hulyo hanggang Setyembre dahil sa panahon ng tag-ulan. Pero hindi inaasahan na dadami ng ganito sa unang anim na buwan.

Noong Mayo, inaprubahan ng US-Food and Drug Administration (FDA) ang Dengvaxia, pero may limitasyon. Maibibigay lang sa mga mula 9 hanggang 16-anyos, na nagkaroon na ng dengue batay sa laboratory results at nakatira sa mga lugar na laganap ang dengue. Sinunod ang rekomendasyon na inilabas ng Sanofi Pasteur, pero mas pinaliit ang limitasyon ng edad. Ang Dengvaxia ay puwede sanang maibigay sa mula 9 hanggang 45-anyos.

Walang nakaaalam kung nakatulong ang Dengvaxia sa bansa dahil sa ginawang pagtanggal sa merkado dulot ng pag-akusa na sanhi umano ng pagkamatay ng ilang nakatanggap mula sa vaccination program ng nakaraang Aquino administration. Hanggang ngayon, wala pang ebiden­siya na ang bakuna nga ang sanhi ng pagkamatay ng mga nakatanggap.

Huli rin naman natanggap ang babala ng Sanofi ng mga ibang bansa na inaprubahan ang paggamit ng Dengvaxia kasabay ng Pilipinas pero hindi naman ipinagbawal at hang­gang ngayon ay wala pang naitalang namatay na isinisisi sa bakuna. Sa Pilipinas lang. Wala namang binanggit ang DOH kung nakatanggap ng Dengvaxia ang 400 namatay dahil sa dengue ngayon taon.

Hindi ko ipinagtatanggol ang Sanofi. Mali ang kanilang nahuling babala matapos aprubahan ang paggamit sa vaccination program ng gobyerno kaya may pananagutan ang kompanya. Mabuti naman ang intensiyon na mabigyan na ng proteksiyon ang mga bata dahil hindi pa naman alam ang mas tamang indikasyon para ibigay ang bakuna.

Sana lang, naging mas malumanay ang reaksiyon ng mga opisyal at pulitiko pati na rin ng ilang doktor nang inilabas ng Sanofi ang kanilang babala sa mga hindi pa nagkaka-dengue. Wala nang nababalitaang namatay na isinisisi sa bakuna mula sa higit 800,000 nabigyan. Ang balita, mas maraming kaso ng dengue ngayon.

Show comments