Ano na ang nangyari sa ipinagmamalaki ni PBA Party-List Jericho Nograles na nagkakaisa ng tinig ang mga Party-List Representatives sa pag-endorso ng susunod na Speaker ng Kamara de Representante? Sabi niya noon, magpupulong ang mga Kongresistang ito at magpapasya kung sino kina Cong. Martin Romualdez at Cong. Lord Allan Velasco ang pipiliing i-endorso. Noong nakaraang Miyerkules dapat naganap yaon sa isang pulong na ginanap sa Quezon City. Maraming Kongresista ang dumalo na pawang kumakatawan sa sari-saring Party-List groups
Ngunit tila nagka-atrasan ang mga mamababatas. Walang nangyaring consensus sa idinaos na pulong ng mga Party-List Representatives. Ayaw nilang pumili ng common bet. Ibig sabihin, mas gusto nila na magkanya-kanya sa pagpili ng ie-endorsong Speaker. Ito naman ay sang-ayon sa isa sa mga dumalong Kongresista sa pulong na ayaw magpabanggit ng pangalan. Anang ating impormante, hindi totoong solido ang mga Party-List Solons sa desisyon na sina Romualdez at Velasco na lang ang pagpipilian. Rightly so! Para sa akin, mas mabuting bigyan ng laya ang bawat mambabatas na piliin ang inaakala nilang tunay na karapat-dapat.
Kung magkagayon, para palang nabiktima ng “fake news” ang mga naniwala na ang lahat ng 61 Solons ay nakaabot sa ganitong desisyon. In other words, propaganda lang o “para-paganda” hahaha. Nanaig pa rin kasi ang kani-kanyang interes ng bawat kinatawan ng mga Party-List at hindi sila nadiktahan. Good sign of a working democracy iyan para sa akin.
Marahil, makabubuti na manahimik na lang ang mga Kongresistang mahilig mag-imbento ng impormasyon para pumabor sa kani-kanilang mga manok para sa speakership. Sa Hulyo 22 pa naman ang pilian ng uupong bagong leader ng Kamara kaya mas makabubuti na mangampanya na lang ng maayos ang mga Kongresistang may minamanok at huwag nang kung anu-anong misleading info ng ipinakakalat. Sa ganang akin, naniniwala ako na ang batayan sa pagpili ng Speaker ay dapat ibase sa track record ng kandidato. ‘Yung wika nga ay may napatunayan na sa maraming aspeto ng public service. ‘Yung napatunayan ng nagtataglay na wisdom sa kanyang panunungkulan.