REREPASUHIN ng Kongreso ngayong araw ang mga aberya nu’ng Halalan 2019. Bakit nag-blot ang 1.2 milyong ballot marker pens? Bakit pumalya ang 1,665 SD cards na nakasuksok sa kasing-daming vote counting machines sa kainitan ng botohan nu’ng Mayo 13? Bakit pitong oras mula 6:15 ng gabi, matapos unang ma-transmit ang 0.4% ng resulta mula 85,000 presinto ay walang naiulat hanggang ala-1 ng madaling araw?
Bakit meron pang central server ang Comelec, kung saan maaaring manipulahin ang resulta, imbes na diretsong magpadala sa servers ng canvassing centers at election watchdogs? ‘Yan ang aarukin ng Joint Congressional Oversight Committee on Election Automation.
Dalawa ang ugat ng mga sablay. Una, kapabayaan at posibleng katiwalian sa Comelec supply biddings. Si Commissioner Rowena Guanzon mismo ay nagpa-imbestiga ng pagbili ng marker pens at SD cards. Pangalawa, maling automation system na ibinenta ng kompanyang Venezuelan. Pinapayo ni Senate President Tito Sotto na ibasura na ang ‘di-maasahang vote counting machines nito.
Labinlimang safeguards ang nakasaad sa Election Automation Law. Kabilang dito ang bukas na source code review, voter verified paper audit trail, at walang hadlang na transmission ng resulta.
Pero mula nang unang ni-lease-purchase ang vote counting machines nu’ng 2008, angal ng computer technologists, hindi natupad ang safeguards. At masaklap du’n ay pumayag ang maraming salin ng Comelec.
Hinigpitan para hindi marepaso nang lubos ang source code na nagpapatakbo ng mga makina.
Sa apat na halalan ay hindi nag-isyu ng resibo. Nitong 2019 may tatak na sa wakas ang resibo ng pinagmulang makina, pero hindi ito ipinagamit na paper audit trail. At hindi nakita ninoman kung wasto ang pagbilang ng boto sa bawat presinto, pag-transmit nito at pagkonsolida sa canvassing -- kaya may duda sa resulta. Ang mahal pa: P20 bilyon para i-lease-purchase, accessorize, dispatsa, at ibodega ang mga makina.