KAPAG inaprubahan ng Senado ang Senate Bill No. 2233 na magdadagdag ng excise tax sa sigarilyo, dalawang mahalagang bagay ang makakamtan – una, marami nang titigil sa paninigarilyo dahil sobrang mahal nito at ikalawa, mapopondohan ang universal health care program, ng pamahalaan. Kumbaga, isang bala ang pakakawalan pero dalawa ang tatamaan. Kaya nararapat nang maipasa ng Senado ang batas bago sila mag-adjourn sa susunod na linggo. Huwag nang tulugan ang panukalang ito sapagkat maraming maililigtas na buhay lalo ang mga naninigarilyo.
Kapag naaprubahan ang panukala, apat na taong sunud-sunod na magkakaroon ng pagtaas sa tax ang tobacco products. Una ay sa Enero 1, 2020, kung saan ang tax sa bawat pakete ng sigarilyo ay P45; ikalawa ay sa Enero 1, 2021, P50 bawat pakete; ikatlo ay sa Enero 1, 2022, P55 bawat pakete at ikaapat ay sa Enero 1, 2023, P60 bawat pakete.
Sa taas ng tax, tiyak na magiging “ginto” ang bawat stick ng yosi. Sa kasalukuyan, ang isang stick ng mumurahing sigarilyo ay P5 bawat stick. Kapag ipinatupad ang dagdag na tax, maaaring maging P10 ang bawat stick o mahigit pa. Pagdating ng 2023, maaaring P20 o mahigit pa ang bawat stick ng yosi.
Kung tutuusin, kulang pa ang proposed tax na ito. Kung maaari, taasan pa para ma-discouraged ang marami lalo ang kabataan na magbisyo. Kung gagawing P100 ang bawat stick ng yosi, maaaring marami na ang tumigil sa nakamamatay na bisyong ito. Mahihirapan nang makabili ang mga kakaunti ang kinikita. Tanging mayayaman na kayang magtapon ng pera ang maninigarilyo. Kapag nangyari ito, marami ang maililigtas sa sakit mula sa paninigarilyo gaya ng cancer sa baga, atay, puso, at lalamunan.
Dahil sa mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo, gumagastos ng bilyong piso ang pamahalaan sa mga pampublikong ospital. Kung wala nang magkakasakit dahil sa sigarilyo, ang pondong makukuha sa buwis ay maaari nang gastusin sa iba pang serbisyo publiko. Sa ulat ng World Health Organization (WHO), limang milyong tao ang namamatay taun-taon at maaaring lumobo sa walong milyon pagdating ng 2030.
Kinakampanya ng Duterte administration na madaliin ng mga mambabatas ang pag-aapruba sa Senate Bill 2233. Noon pa, tutol na ang Presidente sa paninigarilyo. Sa Davao City kung saan siya naging mayor, bawal ang manigarilyo sa pampublikong lugar. Dapat lang sapagkat maraming namamatay sa pagkakalanghap lang ng second hand smoke.