SA NGALAN man ng kung sinong diyos nila, walang totoong diyos ang mga pumapatay dahil sa relihiyon. Akala lang nila na sa pagpapasabog ng simbahan o pagratrat bilang ganti, tinutupad nila ang utos ng lumikha sa kanila. Pero ang natutuwa lang ay ang demonyo. Maliban sa satanismo at ilang katulad na kulto, lahat ng relihiyon ay nagtuturo ng kapayapaan, pakikipag-kapwa. Demonyo lang ang aayaw sa gan’un.
Mula pa sinaunang panahon, sinikap na ng matitinong pinuno ng mga bansa at relihiyon na unawain o pabayaan man lang na sumampalataya nang tahimik ang mga taga ibang paniwala. Maraming magagandang kuwento ng pagkakasundo ng mga Kristiyano, Muslim, Hudeo, Hindu, Buddhist, Taoist, Zoroastrian, atbp. Ehemplo ang paglago ng sibilisasyon ng Egypt, Ottoman Empire, at ancient China.
Sa kasaysayan ay maraming beses din ginamit ang relihiyon para mang-agaw ng teritoryo o magpanatili ng sarili sa kapangyarihan. Ehemplo ang ilang mga Krusada, paglupig sa Pilipinas ng Kastila at pagkatapos ay ng Amerikano, at ang pagkahati sa India at Pakistan.
Sa kasalukuyan namamalas ng mundo ang pagmasaker ng mga sundalong Myanmar sa mga Muslim na Rojingya, at pangterorista ng Islamic State. Meron din mga obispo ng kung anu-anong sekta ang naghahamunan magdebate sa TV kung kaninong relihiyon ang tama. At may matataas na pinuno na nilalait ang Diyos ng ibang sampalataya.
Meron din kabaliktaran: mga Kristiyano na namumuhunan sa Mindanao para maempleyo ang mga Muslim. Mga Muslim sa Marawi na kinupkop ang mga kasambahay na Kristiyano habang naghahasik ng lagim ang Maute terrorists. Mga Pilipino na tumulong sa mga Hudeo ng World War II, sa mga nagugutom na Chinese migrants, sa Vietnamese boat people, at ngayon mga Rohingya na walang masilungan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).