NAUNA nang inihayag ng Malacañang na sinibak si PCSO general manager Alexander Balutan dahil sa alegasyon ng corruption. Sinibak si Balutan noong Biyernes, tatlong araw makaraan siya at iba pang PCSO officials ay mag-testify sa House of Representatives kaugnay sa isyu ng corruption sa issuance ng Small Town Lottery (STL) franchises sa bansa. Ang STL ay nilikha para ipalit sa illegal jueteng.
Sabi ng Malacañang, sinibak si Balutan dahil sa serious allegations ng corruption sa PCSO. Sabi ni Presidential spokesperson Salvador Panelo, ang pagsibak kay Balutan ay dapat maging babala sa iba pang government officials at empleyado na gumagawa ng corruption. Wala raw sacred cows sa kasalukuyang administrasyon at lahat ay masisibak kapag nasangkot sa katiwalian. Una nang sinabi noon ni President Duterte na makalanghap lamang siya ng corruption sa isang tanggapan ng pamahalaan ay sisibakin agad niya sa puwesto. Wala nang tanung-tanong pa. Kaya ang payo ng Presidente sa mga gumagawa ng korapsiyon, magbitiw na lamang sa puwesto kaysa ipahiya niya. Noong 2017, maraming government officials siyang sinibak sa puwesto dahil sa alegasyon ng corruption. Ang ilan, biyahe nang biyahe sa ibang bansa.
Subalit itong pagsibak kay Balutan ay nababalot ng mga kontrobersiya sapagkat sinasabi ni Balutan na hindi siya sinibak sa puwesto. Ayon kay Balutan, nagbitiw siya sa puwesto sapagkat mayroon siyang “hindi masikmura sa PCSO”. Hindi naman nilinaw ni Balutan kung ano ang sinasabi niyang “hindi masikmura sa PCSO’’. Ang sinabi niyang ito ay nagbibigay ng kung anu-anong haka-haka at mga palaisipan. Maaaring isipin na mayroong naninira sa kanya. Sinabi ni Balutan na bago siya naupo sa puwesto noong 2016 tahasan niyang sinabi na magre-resign siya kapag may nag-utos sa kanya mula sa Office of the President at Congress na hindi niya masikmura.
Dapat ihayag ito ni Balutan para maging malinaw ang isyu sa kanya. Sabihin na niya ang lahat. Ang Malacañang naman, kasuhan si Balutan kung matibay ang ebidensiya ng korapsiyon. Huwag hayaang nakabitin ang isyu kay Balutan.