KUNG ang pagtatanim ng palay ay “hindi biro” tulad ng mensahe ng isang Filipino folk song, lalung hindi biro kung wala nang magsasakang magtatanim ng mahalagang butil na ito.
Bakit pa nga naman magtatanim ng palay kung ang tanging sinusuportahan ng gobyerno ay ang importasyon ng bigas? Iyan ang malamang maging mentalidad ng mga magsasaka kapag ipinatupad ang Senate Bill 1998, o ang Rice Tariffication Act.
Naniniwala ang Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) na wala nang mamumuhunan pa sa naghihingalong industriya ng bigas sa bansa. Lalo pa’t lumulubha ang climate change na nakakaapekto sa mga pananim, isang matinding kakulangan sa pagkain ang nakaamba. Ito ang epekto ng pag-abandona ng pamahalaan sa kabuhayan at kapakanan ng mga magsasakang Pilipino.
Hindi lang magsasaka kundi lahat ng mga Pilipino na ang pangunahing kinakain ay kanin ay maaapektuhan. Wala nang murang bigas na naaasahan ang mahihirap nating kababayan.
Sabi nga ng namumuno sa PCAFI na si Danilo Fausto, kawawa ang mga magsasaka na mahaharap sa hindi patas na kompetisyon. Karaniwan sa mga magsasaka ang walang ibang alam na kabuhayan kundi ang pagsasaka. Saan sila daramputin?
Isa pang dapat isipin ay ang pagbaba ng pandaigdig na supply ng bigas dahil sa climate change. Pababa nang pababa ang supply ng pagkain dahil sa bantang ito. Kung mapababayaan ang sarili nating food production, marami ang magdaranas ng gutom.
Siyempre kapag umunti ang supply ng bigas sa daigdig, uunahin muna ng mga bansa ang sariling pangangailangan bago mag-export sa ibang bansa. Huwag sanang pabayaan ng gobyerno ang sarili nating rice industry at huwag maglubay sa pagsuporta sa mga magsasaka.