EDITORYAL - Itodo na ang tax sa sigarilyo

KAILANGAN ang pondo para sa nilagdaang Universal Healthcare Act. Sa batas na ito, lahat nang mamamayan ay may healthcare coverage o makikinabang sa National Health Insurance Program. Kaya wala nang magiging problema ang mamamayan sakali at magkasakit. Ang batas na ito ang isa sa mga kapaki-pakinabang na nilagdaan ni President Duterte. Pero maraming nagtatanong kung saan kukunin ang pondo. May pera bang nakalaan para matugunan ang kalusugan ng mamamayan?

Maraming pagkukunan ng pondo. Isa na rito ang tax sa sigarilyo. Kung itotodo ang tax sa sigarilyo, mapopondohan ang healthcare. At dalawa ang magiging pakinabang kung itataas ang tax sa sigarilyo. Una nga ay ang para sa healthcare prog­ram at ang ikalawa, marami ang makakaligtas sa pagkakasakit dahil titigil na sila sa paninigarilyo.

Maraming sakit na nakukuha sa paninigarilyo kaya kung itataas ang tax, marami na ang titigil sa pagyoyosi dahil hindi na nila kayang bumili nito. Sa mga kumikita ng kapiranggot, mahihirapan na silang bumili ng patingi-tinging yosi.

Maski ang World Health Organization (WHO) ay may payo na kung tataasan ng tax ang sigarilyo, maraming bibitiw sa bisyo. Ayon kay Gundo Wieler, WHO representative sa Pilipinas, kung dadagdagan ng excise tax na P90 bawat pakete ng sigarilyo, marami umanong hihinto sa bisyo. Tiyak na magiging “ginto” ang bawat kaha ng sigarilyo na ang maaari na lang makabili ay mga mayayaman.

Noong 2012 pa huling itinaas ang P20 excise tax sa sigarilyo at sa kasalukuyan, maraming health advocates ang nananawagan na patawan muli ito ng karagdagang tax. Layunin ng mga nananawagan na mailigtas ang marami sa pagkakasakit. Ang lung cancer, sakit sa puso at stroke ang mga pangunahing dahila ng kamatayan sa bansa dulot ng paninigarilyo.

Napatunayan na mula nang ipatupad ang Sin Tax Reform Law na nag-iimposed sa P20 excise tax sa sigarilyo, bumaba ang bilang ng mga nagkakasakit. Tinatayang 70,000 Pilipino ang nakaiwas sa pagkamatay dahil sa sigarilyo.

Itodo ang tax sa sigarilyo. Ito ang paraan para tumigil ang mga naninigarilyo at mailigtas din ang mamamayan na nakalalanghap ng second hand smoke.

Show comments