‘Pag wala kang paradahan, huwag bumili ng sasakyan

PABOR ako rito sa sinusulong na panukala ni Senator Sherwin Gatchalian. Ang Senate Bill 201 o Proof-of-Parking Space Act para maibsan naman ang napakalalang sitwasyon ng trapiko sa kalsada.

Taong 2012 pa, nandoon pa ako sa kabilang istas­yon, sinasabi na natin ‘to. Kaya lumalala ang daloy ng trapiko dahil sa mga sasakyang nakatengga sa tabi-tabi. Ang dami na nating mga kababayang bumibili ng sasak­yan. Sumisikip na sa lansangan… ang mga lintik, wala kasing mga paradahan. Instant parking lot ang ending ng mga sidewalks.

Paulit-ulit nang inirereklamo sa BITAG at Kilos Pronto, walang malakaran ang tao dahil ginagawang paradahan ang lansangan. Useless na ang sidewalks dahil ‘di na malakaran. Sa dadaanan mo, kaliwa’t kanan ang nakaparada. Pakapalan na ng mukha. Sitahin mo man, hindi na­man magtatanda. Maghahanap lang ng ibang parking lot.

Buti sana kung mabagsik ang gobyerno sa bawat siyu­dad at probinsya. Tipong hahatakin talaga ang sasakyan mo kapag nag-park ka sa kalsada. Kaso hindi. ‘Yung ilan na ang siste ay overnight parking, dapat maturuan ng leksyon. The next day dapat ay tow na agad. Bahala na sa buhay niya ang may-ari; hanapin niya ang sasakyan niya.

Linawin natin. Hindi pinagkakaitan ng karapatan ang sino man na magkaroon ng sasakyan. Ang pagmamay-ari ng sasakyan, may kaakibat na responsibilidad at pana­na­gutan. Kung bibili ka ng sasakyan tapos dagdag-perwisyo ka naman, mabuti pa ay mag-MRT ka na lang.

‘Yung iba nga, may sasakyan, pero hindi makabayad ng renta sa bahay.

Meron namang may sasakyan, ‘di naman kayang panagutan ang buwanang bayarin. Tapos magrereklamo sa amin oras na hatakin ng bangko ang kanilang kotse.

Lahat nang Pilipino gusto magkaroon ng kotse, kahit minsan ay ‘di na kaya ng bulsa. Ang turing sa sasakyan ay prized possession. Masagi lang ng kaunti, makikipagpatayan na. Hindi tayo kumakastigo rito. Importanteng malaman at maibaon sa kokote ng mga kumag na car owners ang tama at mali. Kung gusto mo talaga ng sasakyan, siguraduhin mong putok sa buho ka na may parking ka.

Kung wala kang maipakita, you don’t have the right to own a vehicle. Mag-taxi ka.

Show comments