LAHAT nang bagay ay mayroong hangganan. May tamang oras para sa mga biro at may oras para mag-seryoso. Ito ang punto ng kolum ko ngayon, mga boss, lalo na kayong mga millennials.
Isang dating regular na empleyado ng sikat na liquor company ang nagreklamo sa aming action center. Sinibak sa kasong “immoral conduct“ at “indecent act” sa loob ng pasilidades ng kompanya.
Nobyembre 6, nagkatuwaan at ginaya ang nag-tren-ding na video greeting ni Cesar Montano sa Facebook. Kasama ang katrabaho, sila’y nag-video sa loob mismo ng company comfort room.
Nagpapakampi sa akin dahil sinibak agad siya; wala man lang warning dahil first offense o kaya naman ay memo. Dahil sa isang kalokohang video, nawalan siya ng trabaho. Bukod dito, hindi niya makuha ang huling suweldo.
Nakita ng management ang kanyang kabalbalan, inim-bestigahan at siya’y pinalarga. Wala mang malisya sa kanilang pag-video at katuwaan lang, mali pa rin ang kanilang ginawa.
Sa bawat kompanya, mayroong patakaran… hindi kaladkarin. Hindi naman biro ang korporasyon na pinapasukan niya na parang mga nagtitinda lang ng lambanog kung saan. Isang international company ang kanyang kinabibilangan. Kilala at iniinom sa iba’t ibang parte ng mundo ang kanilang produkto.
Ang katuwaan lang siguro para sa kanilang mga millennial, malaking bagay na para sa kompanya. Bilang isa ring boss, naiintindihan ko ang kanilang naging pasya.
Ang second chances ay binibigay sa mga kasong mababaw tulad ng pagiging late. Kung ganun lang naman ang nagawa, puwedeng pagbigyan ng kompanya. Sa kasong ito, ‘di mo masasabing mababaw na offense lang.
‘Di niya naisip ang responsibilidad at pananagutan sakaling mag-trending ang kanilang kalokohan. Nakasisira ang kanilang ginawang biro. Kapag nalaman ng mga tao kung saan sila nagtatrabaho, kahihiyan ngayon sa kompanya.
Sa problema naman niya sa suweldo, pinayuhan ko siyang bumalik sa kompanya at mag-clear. Madali lang naman. Kumuha siya ng clearance kasi trinabaho niya ‘yun. Bagama’t hindi maganda ang naging estado niya sa kompanya, karapatan niyang makuha ang suweldo.
Paalala ko sa kanya at sa lahat ng nagbabasa nito, sana’y natuto kayo. Pain is needed so we can appreciate pleasure. Malas niya, natutunan niya ang leksyong ito sa mahirap na paraan.