WALANG duda na nakababahala ang Acquired Immune Deficiency Syndrome (HIV-AIDS) dahil kapag dinapuan ka nito, hindi ka na gagaling bagamat puwedeng pigilan ang mabilis na pagkalat nito sa katawan para magkaroon ng semblance of normalcy ang iyong katawan. Kailangan mo na ng maintenance medicine para kontrolin ang sakit. Minsan na nating naibalita na ang mga nagkakaroon ng sakit na ito ay pabata na nang pabata at dumarami ang mga nada-diagnose araw-araw na positibo sa sakit.
Ang nakaaalarma, ang Pilipinas na ang itinuturing na nangungunang bansa kung ang karamdamang HIV-AIDS ang pag-uusapan. Kasi, sa ibang bansa ay napabagal na ang paglaganap nito, pero dito sa atin ay mabilis itong kumakalat at ang pangunahing dahilan ay homosexual relationship. Ano ang plano ng Department of Health sa problemang ito?
Ani Health Secretary Francisco Duque III, susubukan ng Philippine HIV and AIDS Policy Act of 2018 na tanggalin ang takot ng mga may HIV-AIDS at magabayan sila upang humaba pa ang kanilang buhay. Ayos iyan para sa mga may karamdaman na. Pero dun sa mga wala pa, tingin ko’y dapat silang takutin para umiwas sa tinatawag na promiscuous lifestyle.
Ayaw ko rin naman na sa kalaunan, magiging parang diabetes o hypertension na lang ang magiging klasipinasyon ng karamdamang ito at hindi na mangangamba ang tao Kahit pa magkaroon ng sakit na ito. Bagamat maganda naman ang inilatag na programa ng DOH para rito na alinsunod sa isang pinagtibay na batas. Sa ilalim ng HIV-AIDS Law, hindi lamang ang anti-retroviral therapy para sa mga may HIV-AIDS ang libre kundi maging ang mga antibiotics para sa samo’t saring impeksyon na nakukuha ng mga pasyente dahil bagsak ang kanilang immune system. Ayon kay Sec. Duque maaari na rin kusang magpasuri ng kanilang dugo ang sinumang may edad kinse pataas kahit walang permiso ng mga magulang.
Wala tayong tutol sa programa. Ngunit mabuti rin na magkaroon ng epektibong prevention program. Sa tingin ko kasi, takot ang gobyerno na mabatikos ng gay community kapag binigyan ng diin na ang AIDS ay nakukuha sa same-sex union. Nakukuha rin ito sa heterosexual relations kung paiba-iba ng kapareha sa kama.
Importante na magkaroon ng curative approach, pero mas dapat pagtuunang-pansin ang preventive o pag-iwas. Pabor ako sa sex education sa mga paaralan upang sa maagang gulang, maituturo sa kabataan ang pagiging faithful sa asawa at ang masamang idinudulot ng promiscuous lifestyle. Aminado si Health Secretary Francisco Duque III na pinakamabilis tumaas ang kasong HIV-AIDS sa Pilipinas sa hanay ng mga bansa sa Southeast Asia. Marahil, dapat tayong pumulot ng estratehiya sa mga bansa ng may epektibong programa laban sa HIV-AIDS.