MAITUTURING nating maganda ang pasok ng suwerte sa ating bansa. Una na riyan ay naibalik ang makasaysayang Balangiga Bells na ninakaw ng mga sundalong Amerikano. Nasungkit natin ang Miss Universe crown sa katauhan ni Catriona Gray at ang pinaka sa lahat, 68 percent ang nabawas sa mga nabiktima ng paputok. Marahil dahil sa pinagsama-samang babala at naranasan nating pag-ulan kaya kumonti ang mga gumamit ng paputok noong Bagong Taon.
Itinuring ni Health Sec. Francisco Doque na “historic” ang 68 percent na natapyas sa mga naging biktima ng paputok. Pero talagang likas sa ating mga Pinoy ang pagiging pasaway kaya mahirap abutin ang 0 percent. Maliban na lang kung makikipagtulungan sa gobyerno ang mga gumagawa ng paputok. Ang hindi ko maintindihan kahit anong higpit ang pagpapatrulya ng mga pulis ay meron pa ring nakalusot na ilegal na paputok.
Saka mahirap din talagang maialis sa atin ang magpaputok tuwing maghihiwalay ang taon dahil ito’y nakagisnan na natin. Parami nga lang nang parami ang naiimbentong malalakas na paputok ngayon tulad na lang ng Goodbye Philippines. Di ba pangalan pa lamang nakakatakot na? Meron ding itinuturing ang paputok na pantanggal ng malas sa buhay. Maraming dahilan ang mga kababayan natin kaya mahirap abutin ang 0 percent casualty. Maraming biktima ay mga bata. Kung may matanda siguro, ‘yun ay dala pa lang ng kalasingan kaya nagawang magpaputok.
Iwanan na natin ang bad habits nung nakaraang taon. Matuto tayong mag-move on para tuluy-tuloy ang pasok ng suwerte sa ating buhay. Sana sa susunod na Bagong Taon muling mabawasan ang mga biktima ng paputok dahil para sa mga nabiktima ang pagsisisi ay laging nasa huli. Halimbawa riyan ay ‘yung mga kabataang naputulan ng daliri.