Si Manda na ‘bagman’ ni Col. Dionisio Bartolome

UMAARAY ngayon ang mga kapitalista ng Rizal makaraang umupo ang bagong provincial director na si S/Supt. Dionisio Bartolome matapos na palitan si dating provincial director S/Supt. Lou Evangelista. Sinibak sa puwesto ni Police Regional Director (PRO) IV-A Chief Supt. Edward Carranza si Evangelista at chief of police ng Cainta Municipal Police Station na si Supt. Pablito Naganag para hindi mabahiran ang isinasagawang im­bestigasyon sa pagkamatay ng security detail ni dating Biliran Representative at Election Reform lawyer Glenn Chong. Dahil sa pagkaupo ni Col. Bartolome, nitong buwan bago mag pasko hindi naramdaman ng ilang mga kapitalista ang pasko dahil sa bagman na si ayas Manda na mistulang bagyo kung tumara. Kuwento ng ibang mga kapitalista, mistulang Biyernes Santo ang kanilang naranasan sa tambalang double M. Si Manda ay sibilyan na bagman ni PD at ang kanyang kolektor ay si Merno.

Noong nakaraang linggo, nagpatawag ito ng mga kapitalista si Manda kung saan ay inutusan si Merno na tawagan lahat ng mga kaibigan at pinapunta sa hilltop para makilala ang bagong bagman na si Manda. Ipinaliwanag ni Manda sa mga kapitalista na nanghihingi diumano ng goodwill money si Bartolome sa lahat ng mga kapitalista at yung iba ay gustong doble pa ang payola. Eh ang masaklap pati yung isang linggo nalang mag-ooperate ay hiningian pa ng goodwill money at kung hindi magbi­bigay ay wala na raw pag-uusapan. Kaya ang ginawa nitong si Toto sa Sitio Eldorado ay sinarado na lamang niya ang kanyang pwesto dahil sa hinihingian siya ng P10,000 ni Manda, siyempre yung isa nagpaliwanag naman kay Manda na kung pwede ay palipasin na lamang total isang linggo na lang. Kaso kuwento ni Toto nanlilisik ang mata ni Manda habang kausap sa kuwarto na katabi ng headquarters ni PD. Sinabi ni Toto na yung kuwarto na yan ay yan sana ang ibibigay na Sub-Press Office ng Merpo ni dating PD at ngayon ay NPD Director C/Supt. Rolando Anduyan.

Walang magawa si Toto kundi tawagan ang kanyang mga tauhan na huwag nang mag-operate at baka ma-raid ni Manda. Ayun December 24 nagsarado ang kanyang puwesto at sa halip na makatnggap ng pamasko ang kanyang mga tauhan, umuwi na lamang sa kanilang bahay na luhaan. Nangako kasi si Toto sa kanyang mga tauhan na ang kikitain ng December 24-25 ang kanyang ibibigay sa kanyang mga tauhan bilang pamasko para naman may maiuwi sa kanilang pamilya. Kaya kawawa ang mga tauhan dahil hanggang December 31 sarado sila. Kuwento nga raw ng mga kapitalista kung dati si Merno ang bagman ng PD ay tinatawag nilang matindi kung kumagat ngayon ay tawag nila kay Manda ay matinding sumakmal.

Pero gaano kaya katotoo na gustong umalis ni Merno bilang kolektor, kasi raw balita lang naman ayaw daw ni Sgt. Merno na inuutusan siya ng sibilyan. Panawagan ng kapitalista, palitan ang MM. Sa ganitong samu’t saring reklamo pala diyan ng mga iligalista dapat nang kumilos si Bartolome para malaman ang pananakmal nina Merno at Manda sa kanyang nasasakupan, dahil kung magpatumpik-tumpik pa siya ay baka sa kangkungan din siya pulutin.

* * *

Nais kong itama ang pagkakamali ng pagbigay ko ng pangalan ng pribadong kompanya na namudmod ng pamasko sa 5,000 residente ng Barangay 105, Tondo, Manila noong December 24. Naisulat ko na HuaReb sa halip na HuaRen, real estate. Humihingi ako ng paumanhin kina Mr. Jeff Wang, presidente ng HuaRen  at James Lim Executive Assistance. Maraming salamat sa inyong pag-unawa, Happy New Year sa lahat.

Show comments