GINUGUNITA sa araw na ito ang masaker ng mga sanggol sa Israel, sa utos ni Haring Herodes. Nabanggit sa kanya ng Tatlong Hari na merong isinilang na maghahari sa buong Mundo. Dahil sa selos, ipinadukot niya lahat ng lalaking bagong silang mula sa mga kabahayan. Nakalusot lang si Niño Hesus dahil isinilang siya sa sabsaban -- hindi pang-hari. Isa ‘yan sa mga unang kuwento sa Bagong Tipan ng Banal na Kasulatan.
Merong mga Pilipino na, sa pagkamuhi sa sitwasyon ngayon, ay nagsasabing dapat mamatay ang lahat ng matatanda at matitira lang ang mga inosenteng paslit, na magmamana ng bansa. Mag-ingat sila sa hinahangad, dahil baka magkatotoo. Lalo na’t ang pagkaubos ng matatanda at paghalili ng mga bata ay may batayan sa Lumang Tipan ng Bibliya. Tinutukoy ko ang Exodus, o paglaya ng Israelites mula Egypt.
Nakakapagtaka na inabot sila ng 40 taon -- ilang salinlahi -- bago marating ang Lupang Pangako (Israel) mula Egypt. Kung ngayon lalakarin ‘yon, aabutin lang nang 16 na araw, pabandying-bandying.
Nagkaligaw-ligaw ang Israelites dahil sa pagsubok ng Diyos, at sa pagtalikod nila sa mga utos. Tinatayang mga 600,000 ang dami nila nang umalis, karamihan ay matipuno, meron nang mga uugud-ugod, at meron ding mga sanggol at isinilang sa daan. Nang sa wakas ay papasok na sila sa Lupang Pangako, malaon nang pumanaw ang mga matatanda, ang mga matipuno ay uugud-ugod, at ang mga paslit ay matatanda na. Mga bata -- bagong henerasyon na -- ang pumasok sa Pinangakong Lupain. Miski si Moses ay hindi man lang ito nasilayan.
Sobrang kasakiman, kahayukan, at kawalang-diyos ang ugaling nananaig ngayon, anang mga nangungutya sa lipunan. Dapat daw sa atin ay dumanas ng hirap at pagsubok para tumino. Kung gan’un, kapupulutan natin ng aral ang Bibliya. (Unang nilathala nu’ng 2015)