SA unang araw pa lamang ng Disyembre ay ramdam na ramdam na ang malamig na simoy ng hangin. At siyempre excited na ang bawat isa dahil malapit na ang Pasko at bago ‘yan matatanggap na ng mga empleyado ang kanilang mga bonus o 13th month pay. Sa buwan ding ito parang kabuting nagsusulputan ang mga kawatan. Alam kasi nilang kahit isang ordinaryong tao ay may hawak na pera. Kaya payong kapatid ingatan n’yo ang bonus, huwag hayaang mga kawatan ang makinabang nito.
Hindi maiaalis sa ating mga Pinoy ang mga shopping tuwing sasapit ang Pasko. Kaya naman sinasamantala ng mga malls ang magkaroon ng sale dahil alam nilang susugurin sila ng mga tao. Kahit saan ka pumunta ngayon ay siksikan ang mga tao kaya mag-ingat dahil nakahalo riyan ang mga kawatan, baka hindi pa kayo nakakarating sa inyong paroroonan ay nalaslas na nila ang inyong bag. Marami ring mandurukot ng cell phone at ang salisi gang.
Mabilis at magaling ang mga salisi gang malingat ka lamang sa iyong kinauupuan ay kaya nilang makuha ang inyong mga bag. Hindi kikilos ng nag-iisa ang mga ‘yan dahil pagpapasapasahan nila ang kanilang nakuha. Hindi rin sila mapagkakamalang kawatan dahil maayos naman silang manamit.
Bakit kaya may mga taong batugan? Gustong kumita sa madaling paraan, hindi ba nila naisip na mas masarap gastusin ang perang pinagpaguran? Dapat habang bata pa ipaintindi na nating mga magulang sa ating mga anak ang magandang asal upang sa kanilang paglaki ay hindi sila maging salot ng lipunan.
Maraming kabataan ngayon na nagagamit ng mga sindikatong magnanakaw. Ingatan ang konting aginaldo dahil hindi n’yo namamalayan kasunod na pala ang mga kawatan.