BAHAY na, naging bato pa! Ito ang reklamo ng isang homebuyer sa nabilhan niyang property developer na Grand Monaco.
Gaya ng mga naunang reklamo sa amin, non-delivery of unit ulit ang kaso. Nakapagbayad na at lahat, kalansay pa rin ang bahay.
Taong 2015, naenganyo at kumuha ng unit sa Grand Monaco. Nakapagbigay ng down payment at buwanang bayad. Awa ng Diyos, namuti na ang uwak, wala pa rin ang unit. Anong petsa na, wala pa ring matirhan ang pobre. Matamis na pangako, 2017 puwede nang mag-move in. P363,000 sa kabuuan ang naibayad ng nagrereklamo. Pumayag ang Grand Monaco sa refund perom installment basis nga lang.
Kayo riyan sa Grand Monaco, hindi maganda ang standing ninyo sa amin. Runner-up na kayo sa paulit-ulit na inirereklamo. Sige lang, pagpatuloy n’yo. Pinakita sa amin ang unit na inirereklamo noon at tandang-tanda pa namin, mas mukha pang sampayan kaysa tirahan ang bahay. Ang mga poste at haligi, akala mo ay hindi propesyunal ang gumawa.
Parang mga tambay lang na naglaro ng semento at nagbahay-bahayan. Ang taas pa naman ng tingin ko sa inyo noon tapos puro palpak naman pala ang serbisyo n’yo. Ang sama ng inyong after sales service. Ang siste, after makabenta, bahala na sa buhay mamerwisyo ‘yung buyer.
Kung hindi niyo maideliver ang unit in time, kasalanan n’yo na ‘yun. Either magbayad kayo ng full refund o kaya naman magbigay kayo ng danyos-perwisyo. Hindi kami ang nagsabi nito kundi ang aming resident legal counsel na si Atty. Batas Mauricio.
Puwede kayong kasuhan ng estafa dahil lumalabas na panlilinlang ang inyong ginagawa. Hindi kayo tumutupad sa takdang panahon at wala kayong kakayanan mag-deliver ng unit.
At mas lalong hindi rin pupuwedeng utay-utay ang pagbayad ng refund. Pinatutunayan n’yo lang na wala talaga kayong kakayanan. O eto pa, habang sinusulat ko ang column na ito, isa pang nagrereklamo ang kakausap ko lang sa aming action center. Mukhang may elemento ng panloloko dahil ang kliyente niyo, medyo shunga-shunga at mukhang di sigurado sa kanyang pinasok.
Pero hindi ito lisensiya para lokohin at pahirapan n’yo ang mga kliyenteng nagtiwala sa kumpanya niyo. Grand Monaco, grand slam na kayo ha!
Kung ano ang sumbong na ito, abangan sa Lunes sa Bitag-Kilos Pronto. Alas-5 ng hapon sa aming YouTube Channel, Bitag Official.