WALA pang kasunduan ang Pilipinas at China tungkol sa posibleng joint exploration sa pinagtatalunang West Philippine Sea of South China Sea. Kung gayon, ano ang pinirmahan ng mga delegasyon ng Pilipinas at China nang dumalaw sa bansa si Chinese President Xi Jinping?
Ito’y isa pa lang Memo of Understanding (MOU) at hindi pa Memo of Agreement (MOA) na malaki ang pagkakaiba. Iyan ang nilinaw ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin na nagsabing nakita niya at nabasa ang naturang papeles na nilagdaan nang kung ilang ulit. Kaya kung may mga agam-agam tayo na maaaring pabor sa China ang kasunduan at malulugi ang Pilipinas ay puwede pang huminga ng maluwag.
Ngunit gaya nga ng sinabi ni Supreme Court Justice Antonio Carpio, dapat pa rin tayong maging vigilant. Si Carpio mismo ang nagsabi na walang nalabag na probisyon sa Konstitusyon ang dokumentong nilagdaan kamakailan dahil ito’y mga puntos lamang na posibleng pagkasunduan ng dalawang bansa sa sandaling magpasyang pumirma na ng MOA. Tama, vigilance is the name of the game. Naniniwala ako kay Carpio dahil siya ay hindi umaayon nang lubos sa mga policy ng Pilipinas sa kontrobersyal na karagatan.
Samantala, nilinaw din ni Locsin na igagalang ng Pilipinas at China ang magkaiba nilang legal stand sa pinagtatalunang karagatan kung dumating man ang puntong lalagda ng kasunduan.
Kaya naman dapat talagang maging transparent ang pamahalaang Duterte sa ganyang mga kasunduan at walang dapat ilihim sa taumbayan dahil tayong mga mamamayan ang may stake sa usaping ito. Ayaw nating dumating ang panahon na masasakop na ng tuluyan ng mga Chino ang ating bansa. Ngayon nga lang ay nakakapangamba ang pagdagsa ng mga illegal Chinese na nagtatrabaho sa ating bansa. Dapat aksyonan ito ng ating pamahalaan.