KAPAG sabihin nilang aprubado ng Presidente ang proyekto, hindi ‘yon totoo. ‘Yan ang leksiyon sa pagsibak sa buong board ng Nayong Pilipino. Ipinaupa ng naturang government firm ang 9.6-ektaryang lupa sa gilid ng Manila Bay sa casino operator mula Hong Kong. Katiting lang ang presyo para sa napaka-habang 75 taon. Sabi sa minutes ng board meeting, ‘yon ay “may basbas ng Presidente”.
Inapura ang groundbreaking. Habang pinapasinayaan ng Nayong Pilipino board ang executives ng Landing Ltd., inanunsiyo ng Malacañang ang pagsibak sa kanila. Ani Presidential Spokesman, umaapoy ang bunganga ni Rody Duterte sa galit sa katiwalian. Mahaba pa sa karaniwang buhay ng tao at maanomalya ang paupa, ani Duterte.
Nilabag lahat ng alituntunin, anang Commission on Audit nu’ng Hunyo. Palihim na negosasyon lang nang ibigay sa Landing ang build-operate-maintenance ng resort casino sa lupain ng gobyerno. Ang halaga ay P150 kada metro kuwadrado lang; ni walang appraisal ng mga karatig na lupa o imbitasyon ng kalabang turing. Nu’ng una ay ipapa-bidding ito bilang Public-Private Partnership. Pero inalis ng Nayong Pilipino sa PPP Center nang walang pahintulot ng National Economic Development Authority (NEDA). Binubuo ng mga taga-Gabinete at pinamumunuan ng Pangulo, taga-bantay ang NEDA ng interes ng publiko sa kontratahan.
Malulugi ang gobyerno ng P26 bilyon sa unang 50 taon ng deal na ibinalato ng Nayong Pilipino board nu’ng Mayo. Nu’ng buwang ‘yon kasisibak pa lang ni Duterte sa pamunuan ng Aurora Pacific Economic Zone dahil sa paglisensiya ng mga casino nang 70 taon. Asiwa siya sa sugal, kaya kinansela ang bagong casino sa Boracay. Nais daw niya ang public Swiss Challenge para sa malinis na kontratahan.
Nu’ng Hulyo nagmalaki ang Landing na meron na sila umano ng casino permit. Sinangayunan kuno ng Presidente ang tinaasang upa na P360/sqm at pinaikling 25 taon. Nu’ng Agosto, kinansela sila ni Duterte.