Saan kukuha ng panalo si Chet Cuneta?

STAR studded daw ang mga gustong sumubok para gi­bain ang trono ng mga Calixto sa Pasay City. Ito ay sa pangunguna ni Cesar “Chet” Cuneta, nakatatandang kapatid ng megastar na si Sharon Cuneta at anak ng dating mayor na si Pablo “Ka Ambo” Cuneta na namuno sa lungsod sa loob ng apat na dekada. Kamakailan, nagpa-reactivate ng kanyang voter’s registration si Chet sa Co­melec local office sa City Hall. Gaya ng ina­asahan, full-pack ang lugar, full media coverage at bitbit pa ang maraming supporters at siyempre ang kanyang kapatid na megastar. Pero napansin ng mga nagmamasid na bukod sa megastar, ang mga kasama ni Chet sa reactivation ay puro mga talunang kandidato sa Pasay City sa mga nakaraang eleksiyon kasama na itong huling Barangay at SK elections.

Hindi kaya sa simula pa lang ay sintunado na ang pa­ngarap ni Chet na sundan ang yapak ni Ka Ambo? Ka­sama niya sa reactivation ang kanyang declared running-mate na si Richard Advincula. Dating Konsehal sa Pasay pero tila isinuka na ng mga Pasayeños. Ilang beses na rin kasing nagpumilit makabalik sa puwesto si Advincula­ pero pinanawan na ito ng grasya. Ang pinakahuli ay ang pagtakbo niya sa ABC kalaban ang isang ordinaryong­ kapitan galing Malibay, resulta ng botohan 188 to 8 pabor­ sa taga Malibay. Usap-usapan nga sa Pasay, career ending­ loss ‘yun ni Advincula pero heto at nag-aambisyon na tumakbo sa pagka-vice mayor.

Kasama rin ni Chet sa tiket yung Vince Bernabe Carvajal na inilaban nila sa SK noong Hunyo. Pero gaya ng nangyari kay Advincula, pinulbos ito ng nakalaban niyang si Migs Nanes sa resulta ng botohan na 145-49. Kaya sa ABC pa lang at SK ay minasaker na ang grupong­ ito paano pa sa halalan sa susunod na taon. Kaya kung ako kay Chet, mag-iisip muna ng may ilang beses bago isulong ang ambisyon sa pagka-mayor ng Pasay City, kasi nga may ilang beses sinuong ang konseho pero gaya ng kapalaran ng kanyang mga kasama ngayon, hindi pa siya nakatikim ng panalo. Hehehe!

* * *

Narito ang liham ng brokers tungkol sa reklamo nila sa Bureau of Customs na may petsa August 30, 2018. “Mahal naming Presidente Rodrigo Roa Duterte, Nais naming ipaalam sa iyo ang di makatarungan at di naaayon sa batas na ginagawa ni Commissioner Isidro Lapeña sa Bureau of Customs. Bakit kaya issue nang issue ng alert order si Commissioner Lapeña dahil lamang umano sa text sa kanya? Hindi kaya gawain lamang itong mga text na ito ng mga tauhan din niya upang magbigay ng tara ang mga importer o lumipat ang mga ito sa mga consignee na kontrolado ni Commissioner o kaibigan niya para mahawakan nila ang mga negosyo? Ayon sa CMTA, hindi lang basta may text na lang eh may alert order na. Dapat nakasaad din sa alert kung ano talaga ang nilabag ng kargamento. Malamang hindi alam ni Commissioner ang ginagawa niya o nagbubulag-bulagan lang. dahil sa dami ng kanyang alert, kumikita nang malaki ang mga Arrastre operator sa pagbubukas ng mga container na madalas namang walang makitang problema. Ayon sa batas, ang Customs sana ang magbabayad sa mga inspection kung walang nilabag ang shipment na na-alert. Ngunit sa kagustuhan ng mga tao ni Commissioner na huwag mapahiya o para mapilitan ang mga importer na magbigay ng tara, kung anu-ano na lang na violation ang sinasabi. Mahal na Presidente, sa isang araw na delay o sa pagbukas ng container, libu-libo na ang gastos namin. Buti sana kung mapupunta ito sa gobyerno, pero hindi. Tapos pagbabayarin lang kami ni Commissioner ng additional na kapiranggot lamang para lang masabi na may violation kami. Kung tuluy-tuloy ang mga ganitong sistema, balang araw baka wala ng gustong magparating. Karamihan naman po sa aming mga negosyante ay marangal at sumusunod sa batas. Sana po ay matulungan niyo kami sa aming mga hinaing. Maraming salamat po”.

Bukas ang pahinang ito sa katugunan sa nasabing liham.

Show comments