ANO itong “No-El”, o no election sa Mayo 2019, na isinusulong ni Speaker Pantaleon Alvarez? Hindi papayag ang taumbayan sa ganyan. Para mo na ring ipinagpaliban ang fiesta -- ang sentro ng kasiyahan, kainan, at abutan ng pera -- na nakasanayan ng mamamayan.
Kailangan umano ang No-El dahil sa panukalang pagbago ng anyo ng bansa mula sa sentralismo tungo sa pederalismo. Masalimuot ang isyu; mangangailangan ng pagrebisa ng Konstitusyon; dapat pag-aralan nang husto ng Kongreso at mamamayan. Kaso mo, ani Alvarez, kulang na sa panahon. Deadline na sa Oktubre para mag-file ng kandidatura para sa congressional election sa Mayo 2019. Kampanya na sa Pebrero 2019. Abala na nu’n ang mga senador at kongresista. Ang 20 miyembro ng Constitutional Committee ni Presidente Rody Duterte ay inabot nang apat na buwang pag-aaral dito. Mas lalong matagal para sa 292 kongresista at 24 na senador. Kaya, No-El na lang, giit ni Alvarez.
Madali lang daw ang No-El, paliwanag ni Alvarez. Isasabatas lang daw ito ng Kamara de Representantes at Senado. Segun daw ito sa Konstitusyon. Saad sa Article VI, Section 8 na ang halalang pang-Kongreso ay sa ikalawang Lunes ng Mayo tuwing tatlong taon, maliban kung baguhin ng batas, na Kongreso ang magpapasa.
Ang tanong, paano naman ang ibang probiso sa Konstitusyon na nagsasaad na ang termino ng mga senador ay hanggang ika-30 ng Hunyo tuwig tatlong taon? Hindi ‘yon maaaring baguhin ng batas ng Kongreso. Taumbayan lang ang maaaring mag-amyenda ng Konstitusyon.
Meron isa pang hadlang sa plano ni Alvarez. Dapat magkahiwalay na magsabatas ang Kamara at Senado ng pagpapaliban ng Halalan 2019. Kung hindi pumayag ang isa sa kanila, wala nang No-El. Madaling mapapasa ang No-El sa mga uto-uto sa Kamara. Pero, ani Senate President Tito Sotto, aayaw ang Senado. Kaya ngayon pa lang ay masasabi na: Tuloy ang fiesta.