Malinaw na ayaw

DALAWA sa tatlong Pilipino ang hindi pabor na palitan ang Konstitusyon sa ngayon. Halos 67 percent ‘yan. Hindi lang ‘yan 62 percent ang hindi rin pabor sa fede­ralismo, ang uri ng gobyerno na itinutulak ng adminis­trasyon at mga kaalyadaong mambabatas ngayon. Sa madaling salita, ayaw muna ng Pilipino ang palitan o am­yen­dahan ang Konstitusyon, at ayaw na munang palitan ang uri ng gobyerno sa federalismo. Ito ang mga resulta ng pinakabagong pagsusuri na ginawa sa dala­wang isyu.

Lagyan ko ng numero, para malinaw. Kung 100 mil­yon na ang populasyon ng Pilipinas, lalabas na 67 mil­yon ang ayaw palitan ang Konstitusyon, at 62 milyon ang ayaw sa federalismo. Kung hindi pa malinaw sa admi­nistrasyon na ayaw, ewan ko na.

Maaaring sabihin ng administrasyon na kaya ayaw sa federalismo ay dahil karamihan ay hindi alam kung ano ito. At tama naman. Ayon sa pagsusuri, 74 percent ang wala o may konting nalalaman ukol sa federalismo. Hindi naman kasi madaling ipaliwanag sa mamamayan ang federalismo sa maikling panahon, lalo na’t nasanay na ang tao sa parehong uri ng gobyerno mag mula nang maging malaya ang Pilipinas. Hindi ako magsisinunga­ling na may mga benepisyo ang federalismo, pero meron ding mga babala, lalo na sa kultura ng pulitika ng bansa.

At ito ang nakikita ng tao. Sino ang mga nagmamadaling palitan ang uri ng gobyerno? Mga kaalyado ni Duterte. Sino ang mga nagmumungkahi na wala na munang eleksyon sa 2019? Mga kaalyado ni Duterte. Sino ang mga nagsasabing baka hindi tanggapin ang anti-political dynasty na probisyon na isinusulong ng ConCom? Mga kaalyado ni Duterte.

Ang nakikita lang sa federalismo ngayon ay mas lalong mananatili sa kapangyarihan ang mga pulitiko, dahil may nagsusulong ng pagtanggal ng termino ng mga mambabatas. Baka mga maliliit na kaharian ang maganap kapag nahati-hati na ang bansa dulot ng federalismo. Kung sinasabi ng Palasyo na mas lalo pa nilang kailangang magtrabaho para ipaalam at turuan ang mamamayan hinggil sa federalismo, hindi nila magagawa sa maliit na panahon na gustung-gusto ng mga malalapit na kaalyado ni Duterte. Hindi pwedeng pilit isubo na lang basta-basta ang mga malalaking isyu na ito sa mamamayan. 

Show comments