GANITO ang paraang propaganda nina Nazis Hitler at Goebbels: Kung uulit-ulitin ang kabulaanan, magmumukha itong totoo; mas malaking kabulaanan, mas paniniwalaan dahil sa palagay na imposible ito maging sabi-sabi. Ginagaya sila ngayon ng mga tagakalat ng fake news.
“Hindi nagnakaw sina Ferdinand at Imelda Marcos nu’ng 1965-1986. Ang (tagong) yaman ni Marcos ay galing sa Yamashita Treasure. Walang tagong yaman ngayon ang mga Marcos. Nabubuhay sila sa tulong ng mga kaibigan.” Malalaki, paulit-ulit na kabulaanan, kung pagbabatayan ang official documents.
Isa sa naturang records ay ang sa U.S. Customs. Ininspeksiyon ang kahun-kahon, male-maletang dala ng pamilya Marcos nang lisanin ang Malacañang patungong Hawaii nu’ng Feb. 25, 1986. Kabilang sa mga nadiskubreng umano’y “household effects” ay $717-milyong cash na dollars, pesos, at iba pang currencies. Meron ding $124-milyong deposit slips sa dose-dosenang banko sa Pilipinas at ibang bansa. Iniulat ‘yan ni mamamahayag Caroline Kennedy sa librong, “The Marcoses and the Missing Filipino Millions.”
Ginawa umano lahat ng asawa ng diktador, si Imelda Marcos -- magbulaan, manuhol -- para maikubli ang yaman nila, ulat ni Kennedy. “Kung alam mo ang halaga ng yaman mo, hindi ka mayaman,” winika raw ni Imelda. “Wala akong ideya kung magkano ang yaman ko.”
Bukod ang cash at deposit slips sa milyun-milyong dolyar pang mga alahas, artworks, at commercial papers ng iba’t-ibang kumpanya sa Pilipinas at ibang bansa.
Nang itatag ang Presidential Commission on Good Government para tugisin ang iba pang tagong yaman, naglitawan na ito. Kusang-loob isinuko ng business cronies ang shares nina Marcos sa mga kompanya nila, at pera’t depositong ipinatabi sa kanila. Umabot ito nang $3-bilyon. At may nadiskubre pang mga bahay at condo sa America at Europe.