BINARIL si Tanauan City Mayor Antonio Halili kahapon ng umaga habang nasa flag raising ceremony. Tinatayang 100 meters ang layo ng sniper na nakapuwesto umano sa gilid ng munisipyo. Dinala si Halili sa ospital subalit idineklarang dead on arrival dakong 8:45 ng umaga dahil sa tama ng bala sa dibdib. Blanko pa ang PNP sa motibo ng pagpatay. Si Halili ay naging tanyag sa kanyang kampanyang “Walk of Shame” na tinuligsa ng human rights advocates. Mahirap tukuyin kung paghihiganti ito kay Halili sa mga ginawa nitong panghihiya sa mga adik at magnanakaw. Wala pang makuhang sagot kina Region 4-A Director C/Supt. Edward Caranza at Tanauan City police chief Supt. Rene Mercado.
* * *
Nilinaw sa akin ni NCRPO director C/Supt. Guillermo Eleazar ang pangungutos niya sa tatlong pulis ng MPD-Station 5. Galit na galit si Eleazar nang iharap ni MPD Director C/Supt. Rolando Anduyan ang tatlong PO1. Inentrap mismo ni Anduyan ang tatlo dahil sa kasong extortion. Hindi napigilan ni Eleazar ang pagkutos sa tatlong pulis. “Hindi ko naman sinasadyang kutusan sila. Parang itinutulak ko lang ang mga noo nila pataas dahil nakayuko lahat, at gusto ko magtinginan kami ng mata sa mata habang kinakausap ko sila,” paliwanag ni Eleazar. Naging viral sa social media ang video at umabot na sa mahigit 1.2 million views.
Napakataas ng kredibilidad ni Eleazar. Totoo siya sa kanyang salita. Naging number 1 ang QCPD sa trust rating dahil sa kanyang pamumuno roon. Nang malipat siya sa PNP PRO 4a, bumaba agad ang krimen ng 10% at nadakip ang most wanted persons ng rehiyon. Paulit-ulit niyang binabalaan ang mga tiwali at abusadong pulis, na umalis na sa PNP o di kaya magpakatino na. Gagawin niya ang lahat para ang mga tiwaling pulis ay matanggal sa serbisyo at maparusahan.
Mantakin n’yo mga suki, PO1 lang “hulidap” na ang lakad ng tatlong pulis sa MPD. Para bang pumasok sila sa PNP para magkaroon ng kapangyarihan sa “hulidap” at pangongotong. Dapat suriin ang records ng mga PO1 bago sila italaga. Mali kasi ang mentalidad ng mga bagong pulis. Kasi noong OJT nila, nakapulot ng maling ideya sa scalawags na pulis gaya nang pangongotong sa mga nahuhuling durugista.
Kailangang isaayos ang pag-recruit sa mga magpupulis. Tama ba ang mga psychiatric tests na ibinibigay? Pasado ba ang mga applicants dito? Pasado ba talaga sa entrance exam ang mga ito o nagkakaroon ng lagayan kaya pumasa?