ANTI-TAMBAY pa rin ang pinag-uusapan sa matataas na antas ng lipunan. Hindi nalimitahan ang galit ng Pangulo sa mga nasa gulang na palaboy sa lansangan. Maski menor de edad ay pinaaresto na rin. Dalhin sa DSWD. Problemahin ng mga barangay.
Nasabi ko na na ang mga kautusang ito ay kulang sa batayan. Gaano man kaganda ang intensyon ng Pangulo, hindi pa rin maaring limitahan ang kalayaan ng mamamayan nang walang go-signal ng Kongreso. Kapag walang batas na nagbabawal, hindi ito bawal.
May laya ang bawat isa sa atin na maglakad sa lansangan nang hindi kinakailangang magpaliwanag ng kung ano ang ating intensyon. Kaakibat nito ay ang ating karapatan na hindi maaresto ng kung sinong alagad ng batas nang wala silang warrant of arrest. Hindi rin ito maituturing na arestong maaring payagan kahit walang warrant. Kapag ang iyong ikinikilos sana ay may nilalabag na batas, maari kang damputin nang ganun na lang. Ang problema ay walang nilalabag na batas ang mga tambay.
Nakatala sa Saligang Batas ang mga kalayaang ito bilang paalala sa pamahalaan. Ang mga garantiyang ito ay hindi maaring limitahan. Kaya kesyo sa paraan ng isang batas o sa isang kautusan lamang ng Pangulo, kapag ang mga karapatang ito ay hinarangan, isa itong paglabag sa Saligang Batas na hindi maaring pahintulutan.
Maliban dito, kinilala rin ng mismong DSWD ang kakulangan ng kanilang pasilidad upang kupkupin ang mga aarestuhing menor de edad. Kung, gaya ng inaasahan, itutuloy ng pamahalaan ang kwestyonableng programang ito, ano na lang ang mangyayari sa pobreng mga bata na makikipagsapalaran at makikipagsiksikan sa lugar na hindi naman talaga handang pangatawanan ang kanilang pag-alaga?
Ok lang sana kung angmga binitiwang salita ng Pangulo ay hindi pinansin ng mga alagad ng batas. Itinuring na lang sanang opinyon lamang ng Boss. Ang kaso, kahit may batayan o wala, basta na lang nilang pinatupad at agad nandampot.
Dapat lang na ipatigil agad ang makalamidad na kampanyang ito.