NITONG mga nakaraang araw, ang mga istambay sa kanto ang napagdiskitahan ng mga pulis. Kung mga tambay lang ang pag-uusapan marami yan dito sa atin. Marami, ka-sing walang trabaho kaya walang magawa sa buhay kundi patambay-tambay sa mga kanto.
Ang iba ay nawiwili na sa ganyang klaseng buhay, kaya kung sila’y nagsama-sama na ay mag-uumpisa nang mag-inuman at pagpumasok na ang espiritu ng alak sa ulo, sila’t sila ay nagbubugbugan na at madalas may namamatay.
Pero hindi ko sinasabing lahat ng mga istambay sa kanto ay masama ang ginagawa. Meron ding nagpapalipas ng oras lang o kaya naman ay masyadong maalinsangan sa loob ng kanilang bahay. Kaya patambay-tambay muna para magpahangin. Dapat suriin ding mabuti ng pulisya ang kanilang hinuhuling mga tambay. Dapat yun lang mga nakatambay na lumalabag sa batas ang dadamputin.
Minsan kasi, sobra rin ang mga pulis sa panghuhuli, kung minor lang puwede naman nilang pagsabihan yung tao na huwag nang uulitin. Hindi yung dadamputin at isasama sa kulungan ng mga criminal at addict, ayun napatay ang isang tambay sa bugbog ng mga preso.
Kunsabagay, sang-ayon ako kay President Digong na ang mga tambay din ang mitsa ng krimen. Karamihan sa mga istambay galing ang droga. Marami rin sa kanila ay snatcher at holdaper. Magkakaibigang matalik ang mga ‘yan kaya kung ano ang gawain ng isa, hawa-hawa ang mga ‘yan. Laganap din sa mga tambay ang iba’t ibang klasé ng sugal. Kaya kung naubusan ng puhunan gagawa na ‘yan ng paraan upang may maipansugal muli.
Dapat panatilihin ang curfew para rin ito sa kaligtasan ng bawat isa, lalo na sa mga kabataan na madalas masangkot sa mga gang war. Malaking kabawasan ng krimen sa komunidad kung seseryosohin ang curfew.