ANG nangyaring pagsibak kay Ma. Lourdes Sereno bilang Chief Justice ng Korte Suprema sa pamamagitan ng “quo warranto petition” ay kauna-unahan sa kasaysayan kung hindi man sa buong daigdig ay sa ating bansa.
Sa ilalim ng Saliganbatas, malinaw na nakasaad na ang Punong Mahistrado ay maaari lamang mapatalsik sa pamamagitan ng impeachment na isasagawa ng Kongreso. Ngunit nabalewala ang probisyong ito ng Konstitusyon at mismong ang Korte Suprema ang nagtakda ng precedent para ito’y maulit sa sino mang mahistrado sa hinaharap.
Ang ano mang malabong probisyon ng Saliganbatas, basta’t pinagdesisyunan ng buong Korte Suprema, ang desisyon ay nagiging bahagi ng jurisprudence ng ating bansa kaya malamang, ang pangyayaring ito ay maulit sa hinaharap basta’t may mahistrado na ibig patalsikin.
Puwede nang magpakuya-kuyakoy ang Kongreso dahil hindi na kailangan ang impeachment na masalimuot at magastos. Gayunman, mali pa rin ito at malaking dagok sa demokrasya ng bansa.
Bagama’t alam ni Sereno na susuntok lang siya sa buwan, nagharap pa rin siya ng motion for reconsideration. Gaya nang inaasahan niya, bigo ang kanyang mosyon dahil ang mga magpapasya rito ay yaon ding mga taong nagpatalsik sa kanya. Kaya tila asiwa ang proseso dahil parang pinakiusapan mo ang mga taong may matatag na mindset na alisin ka sa puwesto na bawiin ang kanilang desisyon.
Ngayon, hindi na kailangan ang impeachment procedure dahil napaalis na ang gustong paalisin. Nakakalungkot. Para sa akin, ang dapat masunod ay ang itinatakdang impeachment process sa Konstitusyon. Kaya ang naging desisyon ng Korte ay hindi dapat maging bahagi ng ating jurisprudence, ngunit iyan ang siguradong mangyayari.