MABUTI na lang at nahuli ang nagbebenta ng mga exotic na ibon, pati mga ibon na nanganganib nang maubos o “endangered”. Sa isang operation ng NBI Environmental Crimes Division, nahuli ang nagbebenta ng dalawang agila at dalawang hornbill. Nakalagay sa kahon ang mga ibon. Hindi ko alam kung gaano na katagal sa kahon ang mga ibon. Sa Facebook daw ibinebenta ang mga ibon, kaya inireklamo ito ng isang concerned citizen. Ayon sa nahuling nagbebenta, napilitan lang daw siya dahil may pangangailangan. Nahaharap siya ngayon sa paglabag ng batas hinggil sa kalikasan.
Sa kanyang pahayag, may supplier ng mga exotic na hayop na naghahanap na lang ng bibili ng kanilang mga huli. Hinuhuli ng mga malalapit sa bundok kung saan namumugad ang mga agila. Sila rin ang dapat madakip ng NBI at kasuhan at ikulong. Kung walang mamimili, wala ring mga supplier. Hindi ko maisip kung ano ang mangyayari sana sa mga ibon kung nabenta na. Ikukulong lang sa hawlang maliit at pakakainin na lang ng kung anu-ano. Napakalupit ang ikulong ang isang ibon.
Aktibo ako sa pagsaklolo ng mga hayop, at hinahanapan ko rin sila ng mga aampon nang maayos. Mga asong pinaglaban na parang sabong ang aking sinasaklolohan, bago sila mapatay o magkaroon ng mabigat na kapansanan. Kailangan ding matanggal ang pagkabangis nila na nakuha sa pakikipaglaban sa kapwa aso. Kaya ang laking tuwa ko lang nang mahuli ang nagbebenta ng ibon. Sigurado marami pa riyan na patago ang pagbenta. Ipaalam na lang sa tanggapan ng NBI kung may nagbebenta tulad nito. Kung sa Facebook nagbebenta, ipaalam din sa NBI. Suportahan ang pagsugpo ng masamang industriyang ito.