LIHIM na kinakalkal ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ang bagong multi-million pyramiding scam, sangkot ang mga bigtime manggagantsong sina alyas Hector ‘kingpin’, Marlon at Richard, isang dating pulpol na pulitiko sa southern metro, dahil nag-iiyakan ang mga nabola nitong mga nag-invest ng salapi sa pyramiding scheme nang hindi na sila mabayaran sa ipinangakong 120% monthly interest ng kanilang monkey business este mali money investment pala.
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, hindi biro ang pambobola ng grupo nina Hector, Marlon at Richard sa kanilang mga biniktimang parokyano dahil may kalahating billion piso na silang nakuha sa mga nabola nilang mga investors.
Ika nga, ibinili ng mga imported luxury cars tulad ng Lamborghini, Ferrari at Maserati!
Dahil sa pangyayaring ito nagrereklamo na ang mga nangarap na madoble ang kanilang salapi sa pangakong malaking porsiyento ang kanilang matatanggap. Hehehe!
Ika nga, nabola sila!
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, si Richard, ang pulpol na politiko, ang nagpapanggap noon na bossing ng grupo ng pyramiding scheme medyo nag-hi-low este mali lie low pala ito nang may umangal na mga naloko nito kaya naman inilalaglag na sila isa-isa.
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, binubusisi na sila ng mga alagad ng batas para malaman ang extent ng kawalanghiyaan ng mga gago.
‘Marami na ang nagrereklamo sa grupo nito sa mga alagad ng batas kaya naman ilang araw mula ngayon ay isa-isa na silang dadakmain, para ipagharap ng kaukulang kaso at ikalaboso.’sabi ng kuwagong SPO - 10 sa Crame.
Sabi nga, kung makakapaglagak ng piyansa ok pero large scale syndicated estafa ito na may parusang habang buhay o death!
Naku, buti nga!
Ayon sa sumbong ng mga reklamador, noong una naibibigay sa ilang nag-invest ang interest na nakukuha nila pero nang dumami na sila ay unti-unti ng nagbago ang palakad ng mga gago.
Ika nga, wala ng naibibigay na tubo sa perang naka-invest sa mga gago!
‘Pinasasauli na lang namin ang salapi sa tatlong gago pero hindi na nila kami kinakausap’ sabi ng mga kuwagong reklamador.
Ika nga, nagtatago na!
‘Sa palagay ninyo ano ang mainam gawin sa tatlong itlog?’
Abangan.
* * *
Million kita sa jueteng operations sa southern metro
TUWANG - tuwa sa galak ang financer ng jueteng sa southern metro na isang alyas Sonny Tan.
Bakit?
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, limpak-limpak ang kinita niya mula ng umpisahan ang dayaan bolahan niya sa Parañaque, Taguig, Pateros at Las Piñas matapos magbigay ng daan libong intelihensiya sa mga nakapatong umano na opisyal ng kapulisan? Take note, CITF Chief Sr./Supt. Caramat, Sir!
‘May aksyon kaya ang mga tauhan ng CITF ni Caramat sa mga tiwaling pulis na nakapatong sa pasugal ni Tan?’ tanong ng kuwagong SPO - 10 sa Crame.
Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, walang STL con jueteng bookies sa Muntinlupa at Makati City dahil hindi daw pinatulan ng aakto sanang jueteng management sa nasabing lugar sa takot na baka ma-indulto sila kahit panay ang lambing sa kanila nang mga aso ni Tan.
Ano kaya ang masasabi dito ni NCRPO chief Guillermo Eleazar, Sir?
‘Pinayagan kaya ng pulisya sa Parañaque, Taguig, Pateros at Las Piñas ang dayaan bolahan dito? Kung hindi bakit may STL - jueteng si Tan ?’ tanong ng kuwagong inuulol.
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, isang alyas Valero, ang management pang national ni Tan sa buong southern metro at ito rin ang humihikayat sa ibang iligalista na tumaya sa dayaan bolahan nila dahil wala silang huli porke may intelihensiya silang ibinibigay every week sa mga tiwaling kapulisan sa area of responsibilities ng mga ito?
Naku ha!
Totoo kaya ito?
Pinangalanan ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, sina Ayungin, ang management sa Pateros, Jonjon at ita ‘gargota’ ang management sa Taguig, isang alyas ‘besmer’ ang management sa Las Piñas at alyas Joy, ang management sa Parañaque.
‘Hindi biro ang salaping pinag-uusapan sa dayaan bolahan ni Tan dahil naka-timbre sa ilang tiwaling kapulisan ang kanyang monkey business kaya naman million of pesos na ang pumapasok sa kanilang bulsa,’ sabi ng kuwagong lapastangan.
Abangan.